PATULOY sa pananalasa ang COVID-19 sa maraming panig ng mundo, at dito ay kabilang ang Pilipinas. Mahigit na sa isang milyon ang namamatay sa US at mahigit sa 36 milyon ang tinamaan ng virus na wala pang natutuklasang bakuna. Maging si US Pres. Trump ay tinamaan din.
Batay sa survey na ginawa ng Weather Social Stations (SWS), 77 porsiyento ng mga Pinoy o adult Filipinos ang nagsasabing mapanganib ang pagtungo ngayon sa grocery store o palengke bunsod ng bagsik ng coronavirus.
May 16 porsiyento ang naniniwalang bahagya lang ang panganib at apat na porsiyento naman ang nagsasabing hindi peligrosong magtungo sa grocery store at palengke. Ang SWS National Mobile Phone Survey ay ginawa noong Setyembre 17-20 sa may 1,249 respondents na ang edad ay 18 pataas sa buong bansa. Hindi na naman ako natanong sa SWS survey na ito.
Samantala, ang nalalabing dalawang porsiyento ay nagsabing hindi sila pumupunta sa grocery store o palengke. Sa mga lugar, ang nagtuturing na mapanganib ang magtungo sa grocery store/market ay pinakamataas sa balance Luzon na may 80 percent, sinundan ng Metro Manila na 76 percent, ang Visayas ay 75 percent at ang Mindanao ay 74 percent.
Samantala, may 69 porsiyento ang nagsasabing lubhang peligroso ang dumalo sa religious services o magsimba sa ngayon. Labingwalong porsiyento naman ang naniniwalang bahagya lang ang panganib at walong porsiyento ang nagtuturing na hindi mapanganib ang dumalo sa pagtitipon o misa sa mga simbahan.
By the way, nagbabaga at nagliliyab pa rin (wika nga ng mga announcer sa radyo at TV) ang bangayan sa House of Representatives (HOR) o Kapulungan ng Mga Kinatawan o sa maikling salita ay Kamara. Patuloy sa pagpuputputan sina Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
May kasunduan sa hatian o term-sharing agreement ang dalawa na mismong si Pres. Rodrigo Roa Duterte ang namagitan at umayos. Si Cayetano ang hahawak sa timon ng Kamara sa loob ng 15 buwan samantalang si Velasco ang papalit sa paghawak ng renda sa loob ng 21 buwan.
Ayon sa mga balita, dapat ay sa Oktubre 14 na bumaba sa puwesto si Cayetano, pero mukhang mauudlot ito dahil sinuspinde nina Cayetano at mga alyado ang sesyon ng HOR hanggang Nobyembre 16. Ipinasa muna nila sa ika-2 pagbasa ang P4.5 trilyong national budget para sa 2021 bago sinuspinde ang sesyon.
Hindi ito nagustuhan ng kampo ni Velasco at maging ng Minority bloc sa Kapulungan. Nasorpresa sila kung bakit ura-uradang sinuspinde ang sesyon gayong sa kalendaryo ng HOR, hanggang Oktubre 14 pa dapat umiral ang sesyon. Inakusahan nila si Cayetano at mga alyado ng paglabag sa Constitution.
Habang sinusulat ko ito, hindi pa batid kung magkakaroon pa ng sesyon o resumption ang Kamara. Ayon sa ibang mga kongresista at maging si Sen. Panfilo Lacson, puwedeng mag-resume uli ng sesyon ang Kapulungan dahil ito ay suspensiyon lamang at hindi adjournment.
Naniniwala sina Senate Pres. Vicente Sotto III, Lacson at iba pang senador na ang ginawa ni Cayetano ay naglalagay sa panganib na hindi maipasa sa tamang panahon ang 2021 national budget kung kaya posibleng magkaroong muli ng reenacted budget.
Ayon naman kay Speaker Cayetano, hindi sila ang dapat sisihin sakaling mabalam ang budget approval dahil naipasa naman nila ito sa 2nd reading at kayang-kayang tapusin sa Nov 16 resumption. Kinontra ito nina Sotto at Lacson sa pagsasabing dapat ay itinuloy ang pagtalakay at approval ng budget hanggang Oktubre 14 upang kapag naipadala ito sa kanila, may sapat silang panahon para pag-aralan, talakayin at pagtibayin.
-Bert de Guzman