Ni Edwin Rollon

HINDI lamang physical baskus ang mental conditioning ang prioridad na programa na dapat maibigay sa atletang Pinoy sa gitna na patuloy na umiiral na community quarantine dulot ng COVID-19 pandemic.

Sa kasalukuyang sitwasyon kung saan limitado pa ang galaw para sa aktuwal na pagbabalik ensayo ng mga atleta sa amateur level, sinisikap ni Joan Mojdeh, ina ni National Junior record holder Michaela Jasmine Mojdeh na maibigay ang tamang nutrisyon at mental conditioning maging sa iba pang miyembro ng kanilang Philippines B.E.S.T (Behrouz Elite Swim Team) at Swimming League Philippines (SLP).

“Malaki po talaga ang epekto sa mga swimmers at sa lahat ng atleta ang nangyaring lockdown. Kaya kami naman po kami ay talagang nakasuporta sa mga bata. Regular naman po ang monitoring ng Philippine Swimming Inc. (PSI) sa mga member ng National Team at kami naman sa club namin focus din na mapanatili yung kahandaan nila through online workshop and training,” pahayag ni Mojdeh sa kanilang pagbisita sa Tabloids Organizations in Philippine Sports (TOPS) Usapang Sports on Air via Zoom nitong Huwebes.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Ayon sa 13-anyos freshman sa Brent International School-Laguna na si Jasmine, nakakapanibago ang kawalan ng mahabang oras na ensayo, ngunit pinipilit nilang mapanatiling kondisyon ang mga sarili para maging handa sakaling mabalik na ang sitwasyon sa tunay na normal.

“Nakakahinayang po yung mga tournament na hindi natuloy. Pero dahil bawal pa po yung training sa labas lalo na po at underage kami, sa bahay na lang muna kami sa maliit na pool tapos online workshop po,” pahayag ng multi-titled age-grouper at international campaigner sa programa na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), PAGCOR at Games and Amusement Board (GAB).

Kabilang sa torneong nakansela na lalahukan sana ni Jasmine ay serye ng age-group meet sa Japan at Singapore nitong Marso, gayundin ang qualifying para sa South East Asian Age Group at Olympic Games.

“Hopefully, next year po mabalik na sa normal ang lahat and ready naman po si Jasmine to swim in the qualifying meet for SEA Age Championship at sa SEA Games sa Vietnam,” sambit ni Mojdeh.

Nakadagdag din sana sa karanasan ni Jasmine kung natuloy ang World School Games sa London, South East Asian Age Group sa Malaysia, Hong Kong National Open, Asean Schools Games sa Pilipinas at Junior Pan Pacific Meet sa Hawaii na pawang nakansela ng pandemic.

“Medyo matinding adjustment po ngayon dahil online schooling sila, tapos online workshop at konting training sa aming maliit na swimming pool kasama niya yung ibang member ng aming club,” aniya.