Tiyak na ikalulungkot ng moviegoers, lalo na ang mga bata, na kahit tuloy pa rin ang Metro Manila Film Festival 2020 sa December 25, ay hindi rin sila makakapanood. Fiesta para sa mga batang manononood ang taunang festival dahil ito yung ginagastos nila ang napapamaskuhan nila sa kanilang mga ninong at ninang. Enjoy sila kahit pumila, sa mga sinehan ng mga pelikulang gusto nilang panoorin, at nagiging laruan pa nila ang mga lobby ng sinehan habang naghihintay na makapasok sa loob ng mga sinehan.
Inihayag ni MMFF spokesperson Noel Ferrer ang pagbabagong ito last October 8, sa social media. Ang susunod niyang announcement ay kung sinu-sino ang magiging partners nila para sa first digital filmfest ng mga pelikulang Tagalog sa Pasko.
Online na nga lamang mapapanood ang mga filmfest entries. At anu-ano kayang digital films ang mapapanood? Kabilang kaya rito ang mga pelikulang nakatakda sanang ipalabas sa Summer Metro Manila Film Festival? Ano na ang mangyayari sa mga sinehan, na hindi nakapagpapalabas ng mga pelikula, ngayong hindi natin alam kung kailan matatapos ang pandemyang ito?
-NORA V. CALDERON