Ang nakadidismayang pagganap ng PhilHealth ng kanyang tungkulin at ang kabiguan ng mga opisyal nito na masawata ang mapamaraang katiwalian ay sapat na dahilan para ibigay ito sa pamamahala ng pribadong sektor, ayon kay Sen. Win Gatchalian nitong nakaraang Miyerkules. Kaugnay ito sa kanyang obserbasyon na kahit sa panahon ng pandemya, maraming opisyal ng PhilHealth ang garapalang ibinubulsa ang pondo ng bayan. Kaya, aniya, may magandang dahilan para i-privatize ang PhilHealth at sa kanyang paniniwala, pwede gawin ito sa kanyang operasyon. “Alam nating lahat ngayon na ang operasyon ay matatalaga sa korupsyon sa kamay ng mga maling tao. Dahil ang operasyon ay magagawa ng pribadong sektor, bakit hindi natin dito ibigay at ang gobyerno ay magbabayad na lang ng premium,” dagdag pa ng senador sa pagdinig ng Senado hinggil sa budget ng Governance Commission for GOCCs (GCG).
Nang tanungin ni Sen. Gatchalian si GCGChairman Samuel Dagpin kung ang problema sa PhilHealth na siyang sanhi ng hindi mapigilang korupsyon ay maiwawasto pa? “May pag-asa pa na mababago,” sagot niya. Ang problema lang, aniya, ay nasa bahagi ng claims and benefits ng health care system na naririto ang pagbabago. Kailangan ding linawin at pagaralan ang mga basic essential services na sakop ng universal health care law, ayon pa kay Dagpin.
Mula’t sapul ako ay tutol na ibigay sa pribadong sektor ang mga batayang serbisyo, tulad ng PhilHealth, na dapat ay tungkulin ng gobyerno. Kasi, alam kong sa larangang ito makababahagi ang taumbayan lalo na ang mga dukha sa biyaya ng isang malayang lipunan. Sa pagganap ng gobyerno ng tungkaling nagbibigay sa mammayan ng mga batayang serbisyo at pangangailangan nade-democratize ang economic power. Sa paraang ito nababawasan ang konsentrasyon sa iilang kamay ang yaman at biyaya ng bansa. Kahit paano, hindi sisidhi ang problemang iilan lang ang yumayaman habang dumarami ang mga naghihirap.
Ang gobyerno ay itinatag ng taumbayan para sa kanilang kapakanan. Nabubuhay at nagagampanan nito ang kanyang tungkulin paglingkuran ang mammayan sa pamamagitan ng sama-samang suporta ng mga ito. Isa sa paraan ng kanilang pagtulong ay pagbayad ng buwis. Eh ang halaga ng buwis na kanilang binabayaran ay depende sa kanilang kakayahan. Kaya mas malaki ang buwis na pumapasok sa kaban ng bayan mula sa mga mayaman at nakaririwasa kaysa mga mahirap. Ang buwis na ito ay bumabalik sa taumbayan sa pamamagitan ng serbisyong ibinibigay sa kanila ng gobyerno. Kapag ang gobyerno ay gumanap ng tungkuling magbigay ng batayang serbisyo at pangangailangan, at hindi ipinauubaya sa pribadong sektor ang gawaing ito, makikinabang ang lahat lalo na iyong mga dukha dahil sila ang walang kakayahang gastusan ang mga ito.
Samantalang kung ang mga ganitong serbisyo ay ibibigay sa pribadong sektor, kikita ang mga ito at maiipon sa kanilang kamay ang yamang ng bansa. Ang mga dukha at walang kakayahan sa lipunan ay magiging biktima ng walang tigil na pagtaas ng presyo at hindi magandang pagtrato sa mga negosyante. Ang korupsyon ay hindi sapat na dahilan para ipasakamay ng gobyerno sa mga negosyante ang tungkulin nitong maggawad ng batayang serbisyo sa mamamayan. May paraan ang gobyerno para masawata ito at malugi man ito, pera ng taumbayan ang nasayang. Hindi kailanman maba-bankrupt ang gobyerno.
-Ric Valmonte