DINOMINA ni No. 2 seed at Globe Ambassador Alex Eala ang karibal na si Leyre Romero ng Spain sa decider tungo sa 6-1, 4-6, 6-1 panalo at makausad sa final eight ng girls’ junior tournament ng French Open nitong Huwebes sa Roland Garros sa Paris, France.

Ito ang unang pagkakataon ng Pinay tennis prodigy na makalaro sa quarterfinals sa singles ng Grand Slam event. Target ni Eala na makamit ang kauna-unahang singles title sa major tennis at halos abot-kamay na niya ang katuparan ng pangarap.

Matapos ang magaan na panalo sa first set, matikas na nakihamok ang Spanish rival para maipuwersa ang deciding game. Sa final set, hindi na nagpatumpik-tumpik ang Pinay champion para patalsikin ang unseeded at ranked 54th sa world na karibal.

Naiskor ng 15-anyos ang unang apat na laro na nagpatibay sa kanyang panalo.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Nauna rito, nabigo ang pakikipagtambalan ni Eala kay American partner Elvina Kalieva kontra sa Italian pair nina Lisa Pigato at Eleonora Alvisi sa opening match ng girls’ doubles competition.

Si Eala ay nakabase sa Spain kung saan iskolar siya ng Rafa Nadal Academy sa Mallorca, Spain. Ganap siyang Globe Ambassador mula noong 2013.