SENTRO ng kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 ang pangako na yayakapin nito ang transparency bilang paraan ng paglaban sa kurapsyon sa pamahalaan. Isa itong pangako na tumatak sa isipan ng mga botante, na naniwala sa kanya at bumoto na nakasuporta sa kanyang hangarin ng pagbabago.
At noong Hulyo 23, 2016, wala pang dalawang buwan mula nang mag-umpisa ang kanyang panunungkulan, nilagdaan ni Duterte ang Exec. Order No. 2, Freedom of Information (FOI) Program, sa unang pagkakataon sa bansa.
Gayunman, ang pangakong ito ay sinalungat ng impunidad, partikular sa kung paanong hinaharang ng mga ahensiya ang anumang hiling sa paglalabas ng kopya ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN). Nabisto ang pag-aalinlangang ito ng mga investigative press na bumubusisi sa kayamanan ng pangulo at ng mga malalapit nitong kaalyado.
Ngunit ang pinakamatinding pagtanggi ay nangyari nitong nakaraang buwan. Nitong Setyembre 2020, ang Korte Suprema, na naghihilom pa mula sa pagkakatanggal ni dating chief justice Maria Lourdes Sereno, ay tumanggi sa hiling ng Office of the Solicitor General at nagsuspinde ng abugado para sa paglalabas ng SALN ni justice Marvic Leonen.
Sinabayan naman ito ng paglalabas ng Office of the Ombudsman ng Memorandum Circular No. 1 Series of 2020, na epektibong humaharang sa anumang paglalabas ng SALN bilang instrumento sa lifestyle check.
Idiniin ni Ombudsman Samuel Martires na nagiging daan ang SALN para sa extortion ng ilang media practitioners, sa pagsasabing wala namang batas na nagtatakda ng lifestyle check. Ipinaliwanag niyang ang anti-graft body ay hindi nag-iisang source ng SALN ngunit nariyan din ang mga opisina tulad ng Civil Service Commission at ang punong ahensiya na maaari rin pagmulan ng kinakailangang dokumento.
At tila isang sounding board, ang Palasyo, sa pamamagitan ng matabil na tagapagsalita nito, ay mabilis na naglabas ng pahayag na sumusuporta sa hakbang ng Ombudsman na mahinto ang mga lifestyle checks ng mga public servant na pinaghihinalaang nangungurakot sa kaban ng bayan.
Ang mga kaganapang ito, kung pag-uugnayin, ay nagbibigay sa publiko ng masakit na katotohanan na ang transparency, para sa mahalagang tungkulin na mawakasan ang red tape sa pamahalaan, ay isang palabas lamang at hindi prayoridad ng administrasyon.
Dahil kung malinaw sa estado ang pagpapatalsik sa mga tao na sangkot sa kahina-hinalang gawain, ang paglalabas ng SALN, kahit pa nga susugat ito sa ilang pampublikong opisyal, ay dapat na malawakang tinitingnan bilang instrumento upang masawata ang kurapsyon laban sa anumang porma ng maling gawain sa pamahalaan.
Maaaring may punto ang Ombudsman sa pagsasabing ang kurapsyon sa pamahalaan ay dulot ng nasirang personal na pagpapahalaga ngunit ang pagtatakip sa mga kahina-hinalang kasunduan mula sa pagkalantad nito sa pagtanggi na mailabas ang SALN ay isang malinaw na maling argumento
-Johnny Dayang