SA gitna ng pagbabatuhan ng sisi ng grupo ng importer ng mga alagaing hayup at pamunuan ng Bureau of Animal Industry (BAI), patuloy sa kanilang kahabag-habag na kalagayan ng 18 imported na pusa, na mahigit isang buwan nang nakakulong sa maliliit na cage, sa sulok ng isang government warehouse sa Quezon City.
Hinaing naman ng mga apektadong importer: “Baka po hindi pa alam ng director ng BAI ang nangyayari kaya parang (bale) wala lang po sa kanila na naka-stay lang ang mga pusa sa carrier nila simula nang dumating. Maawa naman po kayo, kahit awa na lang na kapirangot ibigay nyo na para rito!”
Buod ng sagot naman ng pamunuan ng BAI sa akusasyong “cruelty to animals” - huwag ipasa ang sariling pagkukulang at kapabayaan ng mga importer sa kanilang tanggapan. Ang dahilan ng lahat ay ang hindi pagkuha ng importer ng mga kaukulang permiso – ang permit na Sanitary Phytosanitary Import Clearance (SPSIC) – ang pinaka “passport” ng mga hayup.
Reaksyon naman ng ibang netizen na nakakita sa kalunus-lunos na video at larawan ng mga kawawang pusa, kabilang na ako rito: “Ayusin n’yo (BAI at importer) muna ang kalagayan ng mga inosenteng pusa bago kayo magtapunan ng sisi sa social media!”
Sa mga post sa social media ni SHANE CRUZ, ang sinasabing nagpasok ng 18 pusa sa NAIA noong nakaraang buwan pa, ito ang update niya: “Pumayag na po ang Bureau Of Animal Industry na mailipat ang mga 18 cats sa ibang facility na accredited ng BAI. MARAMING SALAMAT PO AT DININIG NYO PO KAMI.”
Pero ang hindi ko nagustuhan sa update niya ay ang dalawang options na pinagpipilian nila, habang hindi pa naayos ang mga dokumento ng mga alagaing hayup: “Habang inaayos po namin yung proper documents nila, since hindi talaga pumayag ang BAI sa hiling natin, then we have 2 options -- ibalik sa pinangalingan or ipadala sa ibang country. Alam ko naman hindi ako mahihirapan since marami naman na willing tumulong.”
Oh my gulay – pahihirapan n’yo nang ganyan ang mga inosenteng alagaing hayup na ito? Kung tayong mga tao mismo, siguradong aangal at ‘di kakayanin ang ganyang proseso, eh ‘di lalo na ang mga pusang ito!
Sa isang mensaheng natanggap ko mula kay BAI Dir. RONNIE DOMINGO, sinabi niya gumagawa na sila ng paraan upang maiayos ang miserableng kalagayan ng mga pusa, na hindi naman sila ang may gawa.
Ani Dir. Domingo: “Gayunpaman, maka-aasa po kayo na sinisikap humanap ng BAI ng malapit na veterinary clinic para sa pansamantalang tutuluyan ng mga alaga.”
Nakalulungkot na isiping dahil lamang sa ‘di pagsunod sa tamang proseso nang pag-angkat ng aso o pusa sa ibang bansa, ay nalagay sa alanganin ang kapakanan ng mga inosenteng alagaing hayup na ito.
Ito kasi ang tamang proseso: Kasama sa responsabilidad ng mga importer o nagbebenta ng mga alagaing hayup – lalo na kung marami -- ang maghanda at magpa-inspeksyon sa BAI ng kanilang sariling QUARANTINE FACILITY bago magparating ng imported animals. Dito pansamantalang ititigil ang mga hayup ng hanggang 30 days upang maobserbahan at masiguro na walang nakakahawang sakit. Para sa proteksiyon nating lahat ito – tao man o hayup!
Bago ko makalimutan, ang angasan na ito sa pagitan ng BAI at importer ng mga alagaing hayup, ay nagaganap ngayon pa namang “Animal Welfare Week” at isa tayo sa iilan lamang na mga bansa sa Asia na nagsabatas ng “Animal Welfare Law”.
Sa gitna nang pagtatalo - nagdurugo ang puso ko para sa mga pusang ito!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.