INILABAS ng Pulse Asia ang resulta ng kanyang “Ulat sa Bayan” survey na ginawa nitong Setyembre na nagpapakita na 9 sa 10 Pilipino ay nagbibigay ng pangkalahatang trust at approval rating kay Pangulong Rodrigo Duterte. Ayon sa survey, iyong 87 porsiyentong approval rating ng Pangulo noong Disyembre ng nakaraang taon ay umakyat sa 91 porsiyento. Himala. Kasi, ginawa ang survey na ang ilan sa mga isyu ay ang korupsyon na nangyari sa PhilHealth at pagbibitiw ng kanyang pangulo, ang paglagda sa Bayanihan to Recover as One Act, ang alegasyon ng mga senador na overprice ang biniling personal protective equipment at testing kits at ang kontrobersiyal na P389 million pagtambak ng dolomite sa baybayin ng Manila Bay. Sa kabila na ang mga ito na isyung nangingibabaw noon, binigyan pa ng taumbayan ng trust rating ang Pangulo ng 91 porsyento. Parang sinabi ng Pulse Asia, batay sa kanyang survey, na wala na sa katinuan ang mamamayang Pilipino. O kaya, sinadyang palabasin ito ng Pulse Aisa sa paraan ng kanyang face-toface interview sa mga kinapanayam nito. Maaari ring pinalabas na lang nito ang survey mula sa kalawakan.
Pero, hindi ako naniniwala na ang layunin ng survey ay para palakasin pa ang kredebilidad ng Pangulo sa mga Pilipino. Saan ka naman nakakita na ang lider, tulad ng mamamayan, ay takot sa kalaban. Lingguhan siyang humaharap sa bayan at ang kanyang sinasabi na umaabot sa kanila ay nakarekord pa. Kaya, ang kanyang mga opisyal ay walang iisang programang pinaiiral. Bahala na silang gumawa ng kani-kanilang programa at proyekto at umisip ng paraan kung paano nila pagkakakitaan ang malaking salapi na nasa kanilang kapangyarihan. Eh, ang pinipinsala ay ang taumbayan lalo na mga dukha. Hindi ko sinasabi na ang Pulse Asia Survey ay fake news lalo na iyong 91 prosyentong trust rating. Ang nagsasabi ay ang kalikasan. Sukat ba namang salubungin ito ng mga lindol, pagbaha at pagbanta ng pagsabog ng apat na bulkan na pareho nang nasa level 1 na sila, ayon sa Phivolcs.
Higit akong naniniwala na ang survey ay para sa mga bumabatikos sa Pangulo sa isyu ng karapatang pantao. Sa kanyang recorded speech nitong Lunes ng gabi, sinabi niya: “Marami ang nagsasabi na hindi ko sinusunod ang rule of law at marami na akong pinatay. Wala akong pinatay at wala akong inuutusang mga tao na pumatay.” Ang extra-judicial killing, aniya, ay nangyayari dahil sa labanan ng mga sindikato sa droga at walang kinalaman dito ang gobyerno. Nabanggit niya ito pagkatapos na lumabas ang survey. Mahalaga ang survey dahil pinalalabas nito na kapani-paniwala ang kanyang sinasabi baka nga naman pwede siyang panaligan. Kailangan ito ng Pangulo dahil iniipit na ang bansa sa isyu ng paglabag sa karapatang pantao. Nauna na ang European Union na sa panukalang inaprobahan ng mga kasapi, inaalis na ang libreng buwis sa mga produkto ng Pilipinas na pumapasok sa kanila. Ang Kongreso ng Amerika ay nagpanukala na suspendihin ang pagbibigay ng ayuda militar sa ating militar. May nakabimbing kasong crime against humanity laban sa Pangulo sa International Court of Justice. Ang problema, hindi pinaniniwalaan na wala siyang kaugnayan sa EJK. “Inuulit na naman ni Duterte ang paggawa ng istroya o fake news, para gamitin ang nakagawian na niyang paraan para iligaw ang atensyon sa mga pumapatay na nasa hanay ng pulis sa tinatawag na sindikato sa droga,” wika ni Human Rights Watch Deputy Asia Director Phil Robertson. Kaya kung tutuusin, fake news ang survey.
-Ric Valmonte