Inihayag ng US pharmaceutical firm na Eli Lilly nitong Miyerkules na nag-apply ito ng emergency use authorization (EUA) para sa isang lab-produced antibody treatment laban sa Covid-19, matapos makita sa mga resulta sa maagang pagsubok na binawasan nito ang viral load, mga sintomas at hospitalization rates.
“Our teams have worked tirelessly the last seven months to discover and develop these potential antibody treatments,” sinabi ni Daniel Skovronsky, Lilly’s chief scientific officer.
Pinag-aaralan ng kumpanya ang dalawang paggamot: ang isa ay “monotherapy” ng isang antibody, at ang isa pa ay isang “combination therapy” ng dalawang mga antibody na nagtutulungan.
Sa briefing document, sinabi ng Lilly na nag-apply ito para sa EUApara sa monotherapy at malamang na mag-aplay din para sa combination therapy sa Nobyembre, sa sandaling matipon ang higit pang safety data. Ang combination therapy nito ng dalawang mga antibodies na nagtutulungan ay nagpakitang epektibo sa placebo-controlled Phase 2 (gitnang yugto) na pag-aaral ng 268 mga pasyente na may banayad hanggang katamtamang Covid-19.
Ipinakita ng pagsusuri ng kumpanya ang proporsyon ng mga pasyente na may mataas na viral load sa ikapitong araw ng kanilang sakit ay 3.0 porsyento sa therapy, kumpara sa 20.8 porsyento sa placebo arm.
Nakita ang pagbuti sa mga sintomas tatlong araw pagkatapos ng dosis.
Ang antas ng pagpaospital na nauugnay sa Covid at emergency visits ay 0.9 porsyento para sa mga pasyente na ginagamot na may combination therapy kumpara sa 5.8 porsyento sa placebo, isang relative risk reduction ng 84.5 porsiyento.
Positibo rin ang mga resulta para sa monotherapy kahit na mas mababa ang marka - ang antas ng pagpapaospital at mga pagbisita sa emergency ay 1.6 porsyento sa lahat ng dose levels.
Ang isa sa mga pasyente sa combination treatment ay may seryosong side effect - isang impeksyon sa ihi - ngunit sinabi ng kumpanya na naisip nila na ito ay walang kaugnayan sa pag-aaral.
Nagpapatuloy ang trial at nais ng Lilly na mangalap ng 800 katao sa kabuuan.
Pinag-aaralan din ang mga therapy para sa kanilang potensyal na paggamit bilang isang prophylaxis at bilang paggamot para sa mga pasyente na naospital sa magkakahiwalay na mga pagsubok.
Sinabi ng Lilly na inaasahan nitong magkaroon ng 100,000 dosis ng monotherapy na magagamit sa buwang ito, at isang milyon sa pagtatapos ng taon. Inaasahan din nitong magkaroon ng 50,000 dosis ng combination therapy sa pagtatapos ng 2020.
Ang mga natuklasan ay hindi pa nailathala sa isang peer-reviewed journal.
Gumagana ang parehong mga antibodies sa pamamagitan ng pagbubuklod sa iba’t ibang bahagi ng mga spike protein sa ibabaw ng SARS-CoV-2 virus, binabaluktot ang kanilang istraktura upang hindi masalakay ng virus ang mga buhay na cell.
Ang mga antibodies ay mga protina na nakikipaglaban sa impeksyon na ginawa ng immune system at maaari ding makuha mula sa mga gumaling na pasyente.
Agence France-Presse