SA ikinikilos at ipinadadama ni Calvin Abueva sa pagdalo sa online seminar, kumbinsido si Games and Amusements Board (GAB) Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra na ‘deserving’ ang kontrobersyal forward ng Phoenix Fuel Masters na muling makapaglaro sa Philippine Basketball Association (PBA).
Sinabi ni Mitra na kagyat na maibabalik sa Gilas Pilipinas member ang ‘professional license’ ni Abueva sa pagtatapos nang inihandang seminar ng GAB na matiyagang dinaluhan ng Phoenix star sa kabila nang mahigpit nitong iskedyul.
“Sa gabi namin ginagawa yung seminar dahil kasama siyang nag-eensayo ng team sa umaga. Masigla ang discussion at pursigido si Abueva dahil nagpa-participate talaga siya,” pahayag ni Mitra patungkol sa online seminar ng GAB na isa sa kondisyon na ipinataw kay Abueva para sa maibalik sa kanya ang lisensiya.
“Calvin was attentive and willfully participating in the seminar activities. He interacted with vigor and expressed utmost eagerness to return back to the game for the sake of his children not wanting them to end up with what he has experienced as a child. He acknowledged that he used to have a tendency to become overwhelmed but has now proactively sought of ways on how to manage his emotions,” pahayag ni Mitra
“Based on our pre-assessment, he seems to have a basic understanding of the concepts of the conduct and ethics required of a professional athlete inside the basketball court.
He duly emphasized how due process and mental health support was important in maintaining a good sense of self of a professional athlete,” aniya.
Bukod kay Mitra, kasama rin sa virtual seminar sina GAB pro games chief June Bautista at Kara Mallonga, gayundin si Phoenix team manager Paolo Bugia.
Tatlong gabing dadalo sa The Code of Conduct and Ethical Standards of a Professional Athlete seminar si Abueva na kailangan niyang tapusin.
Matapos nito, sasailalim siya sa mandatory drug test bilang bahagi ng regulasyon sa kanyang medical record
“Hindi mabigat ang mga kondisyon na ito, pero kailangan tuparin niya ito at bilang patunay kailangan siyang pumirma na susundin niya ito. Apologetic si Calvin at ramdam namin na talagang nagsisisi na siya na nagawa niya na naging dahilan ng kanyang suspension sa PBA,” pahayag ni GAB Commissioner Ed Trinidad matapos ang naunang pakikipagpulong kay Abueva.
Kasabay nito, opisyal na isinama sa Phoenix lineup para sa nakatakdang ‘bubble’ ng PBA ang pangalan ni Abueva. Wala pang opisyal na pahayag ang PBA hingil dito, ngunit nauna nang pinayagan ng liga na makasama ang kontrobersyal na player sa ‘bubble practice’ ng team sa Clark.
-Marivic Awitan