MAG-IMAGINE ka na pinasok mo ang isang bodega, na kahit may bubong ay lusot pa rin ang anggi ng ulan, diretso sa kinalalagyan ng mga kulungan ng 20 pusa, at ang panangga para ‘di mabasa ay manipis na karton na tinatagos din naman ng tubig. Nakababaligtad ng sikmura ang masangsang na amoy ng buong paligid, dulot ng ‘di nalilinis na mga dumi at ihi ng hayup. Nag-e-echo rito ang walang patid na pag-ngiyaw ng mga imported na pusang bakas pa rin ang pagiging maganda at cute, sa kabila ng pagka-malnourished.
Mga pusa na gutom at uhaw – hindi lang sa pagkain at inumin, bagkus sa kalinga at pagmamahal, na ipinagkait sa kanila nang Bureau of Animal Industry (BAI) nang ilagak sa bodegang ito.
Panigurado, mapapamura ka na katulad ko – at kung nakamamatay nga lang ang mura natin – malamang na may titimbuwang na opisyal ng BAI na responsable sa “cruelty to animals” na dinaranas ng mga kaawa-awang pusa.
Video at larawan lamang – mula sa forwarded private message ng isang Facebook friend – ng mga pusa ang nakita ko, pero napaiyak ako, at napamura ng paulit-ulit, dahil sa kaawa-awang kalagayan ng mga walang malay na nilalang na ito.
Mahigit isang buwan na rin pala rito ang mga pobreng hayup, matapos na kumpiskahin ng BAI sa mga importer at pet-owners na galing sa ibang bansa, dahil umano sa kakulangan ng dokumento para maipasok sa ‘Pinas.
Wala naman sanang problema -- dahil naaayon sa batas ang pagkumpiska na ginawa ng mga operatiba ng BAI. Kaso nga lang, ay kung bakit kinakailangan pang abutin ng mahigit isang buwan sa loob ng naturang bodega ang mga alagaing hayup.
Ang matindi rito, hindi naman quarantine area para sa “domestic animals” ang pinagtambakan sa mga pusa. Kaya madalas na palipat-lipat ng puwesto ang kinakukulungan ng mga hayup, tuwing may dinidiskargang kargamento para ilagak dito.
Dapat kasi’y sa lugar na may taga-alaga, mga gamot at veterinary doctor, ikina-quarantine ang mga kumpiskadong hayup na tulad ng mga pusang ito.
Kaya ang mga pobreng hayup karamihan ay may sakit na, marahil dahil sa stress na dinaranas – kulang sa pagkain, gamot, maruming paligid at walang ehersisyo -- araw-araw simula pa nang makumpiska ang mga ito.
Mantakin mo naman, kung ikaw ang nasa kalagayang ganito: Isang buwan sa masikip na cage, gutom, uhaw, natutulog sa tabi o ibabaw ng sarili mong dumi at ihi, walang liguan, at halos walang galawan kundi panaghoy at ngiyaw lamang ang tanging kaulayaw, kulang sa liwanag, dahil walang makapasok na silahis ng araw, pero sagana naman sa patak ng ulan na umaapaw sa iyong higaan. Makakayanan ba ang lahat ng ito ng powers mo bilang isang tao? Duda ko -- baka wala pang isang linggo, masiraan ka na ng ulo!
Ang sa akin lang naman, bakit ang mga inosenteng nilalang na ito ang nagdurusa sa pagkakamali ng mga taong gustong mag-alaga sa kanila?
Kasalanan nang nagdala o nagtangkang mag-smuggle sa mga pusa ang lahat ng ito, kaya dapat lang na sila ang pagmultahin at parusahan. Pero huwag na sanang idamay pa ang mga pobreng hayup na walang-kamalay-malay sa nagaganap sa kanilang paligid.
Kung ‘di binalikan – few days lang ‘wag paabutin ng isang linggo -- dahil ayaw nang gumastos sa multa ang mga may-ari, dapat ay agad na humanap ng mag-aampon sa mga pusa.
Sure ako, madaling makahahanap ng mga takers, dahil nasa paligid lang ng BAI sa Visayas Avenue, Quezon City ang mga interesadong tao -- at isa ako sa kanila.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.