Nakatuon ang gobyerno na sabihin ang totoo sa mga tao ngunit pipintasan pa rin anuman ang ipasya nitong gawin, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes.
Sa pagsisimula ng kanyang pahayag sa telebisyon nitong Lunes, ikinalungkot ng Pangulo na madalas na husgahan ng oposisyon ang gobyerno na masama, anuman ang gawin nito.
“Marami namang haka-haka palagi maski anong gawin ko and the Cabinet. Gawain mo na, masama ka pa rin. Kung hindi mo gawin, mas lalo kang masama,” sinabi ni Duterte sa kanyang talumpati.
“Either way, it’s not a matter of losing the battle of wits against the opposition and the left, who are out really to --- and the NDF (National Democratic Front) --- are out to destroy the very government,” aniya.
Gayunman, hinimok ng Pangulo ang publiko na makinig sa kanya sa halip na maniwala sa mga pahayag ng “polluted sources.” Idiniin niya na hindi siya kailanman magsisinungaling sa bansa tungkol sa mga gawain ng estado.
“We are here gathered to render a report weekly to inform the Filipino people of what’s in the air so that you would know and you would be educated and to know the truth not from sources that are polluted and/or contaminated but purely from your government officials who are paid to do their work and to do their work truthfully kaya kami nandito,” sinabi ni Duterte sa pulong kasama ang Cabinet officials kaugnay sa pandemic response ng gobyerno.
“So dito ho kayo makinig sa akin. Sabi ko, wala naman akong obligation na magsasabi ng sinungaling,” dagdag niya.
Gayunman, iniwan ni Duterte sa paghuhusga ng publiko upang malaman kung maniniwala o hindi sa gobyerno.
“Kung maniwala kayo, mabuti. Kung hindi, that is not my problem. That is what is happening in the nation,” dagdag niya.
-Genalyn Kabiling