Binabatikos para sa sinasabing mga pang-aabuso sa karapatan na nauugnay sa kanyang giyera sa droga, iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na wala siyang pinatay o inutusan na pumatay sa isang tao.
Gayunman, inamin ng Pangulo na hindi niya mapigilan ang pagpatay sa mga kriminal dahil mayroong nagaganap na giyera laban sa iligal na droga at iba pang krimen sa bansa.
“At maraming sinasabi ‘Rule of law, hindi ka naman sumusunod, marami kang pinapatay.” Wala ho akong pinatay na tao,” sinabi ni Duterte sa kanyang televised address nitong Lunes ng gabi.
Itinanggi rin ni Duterte ang pag-uutos sa pagpatay sa isang tao, sinabing mapapatunayan ng publiko ang bagay sa pulisya o maging sa kanyang mga miyembro ng Gabinete.
“Magtanong ka ng isang pulis dito sa Pilipinas, magtanong ka kay Secretary (Eduardo) Año sa DILG (Department of Interior and Local Government), magtanong ka kay (Delfin Secretary) Delfin Lorenzana, at may inutusan ba akong taong sinabi, “Patayin mo ito si Mr. Santos, Edmundo Santos, o patayin mo ito si Juan dela Cruz.’ I never do that,” aniya. Ipinagtanggol ni Duterte ang kanyang sarili mula sa mga paratang na ang kanyang administrasyon ay nasa likod ng sinasabing extrajudicial killings kaugnay sa kampanya laban sa iligal na droga. Sinabi niya na talagang ginawa niya ang isang “discreet hearing” sa mga sinasabing pagpatay na ito, at idinagdag na nalaman niya ang ilang mga insidente na nagmula sa mga gang war at mga drug dealer na pinatahimik ang mga nagnanakaw ng pera at droga sa kanila
Sa parehong pahayag, ikinalungkot din ni Duterte ang pagkamatay ng mga pulis at sundalo sa pakikipaglaban sa mga kaaway ng estado.
Nabanggit din ni Duterte ang mga komunistang grupo sa kanyang talumpati, sinabi sinisiraan ng mga rebelde ang gobyerno at nag-iimbento ng mga kwento tungkol sa panliligalig, pang-aapi at pagpatay.
“The left, who are out really to --- and the NDF (National Democratic Front) --- are out to destroy the very government in which they are enjoying the blessings of democracy. They invent stories about being harassed, killed, oppressed. Eh wala namang kaming nakikita at wala namang dumadating sa akin,” dagdag niya.
-GENALYN D. KABILING