NAMAYANI ang karanasan sa duwelo ng beteranong Heneral Kalentong laban sa bagitong Cartierruo sa unang yugto ng Philippine Racing Commission Triple Crown series nitong Linggo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Kumamada sa homestretch ang palaban na Heneral Kalentong sa ekspertong paggabay ng beteranong hinete na si JB Guce upang biguin ang ambisyon na makasilat ng Cartierruo, sumasabak pa lamang sa ikalawang karera.

"Mas bihasa po siya (Heneral Kalentong) tumakbo, mas may experience kumpara kay Cartierruo," pahayag ni Guce, sinakyan ang alaga ni Benjamin Abalos Sr. sa labanan nang mga 3-year old  na mga kabayo.

"Maayos naman ang larga namin. Diniskartehan ko lang ang kabayo ko na makasunod ng magandang puwesto, kasi ngayon ko lang din sinakyan ito, hindi ko alam kung ano ang laro niya. Napanood ko naman sa mga previous na laro niya na puwede naman siya sumabay, so ganoon na lang ang ginawa ko."

Human-Interest

Netizen, ayaw na magbigay ng regalo sa pamilya niyang hindi marunong mag-appreciate

Pumangatlo lamang ang Heneral Kalentong sa simula ng karera sa likod ni Four Strong Wing at Runway, bago gumawa ng galaw sa huling 600 metro at kinuha ang kontrol sa karera mula kay Cartierruo. Tinapos ni Heneral Kalentong ang 1,600-metrong karera sa bilis na 1:42.6, na may quartertimes na 24, 24, 26 at 28 segundo.

"Abang abang lang ako sa unahan, nag-safe grounds lang. Pakiramdam ko, kung reremate 'yung dalawang nasa labas, baka maipit lang ako sa loob. Split decision na lang ginawa ko, medyo inangat ko na para mas safe ang dadanan ko. Sigurado kapag rumemate ako, makukuha ko. Bago dumating ng diretso, bandera na ako,” pahayag ni ni Guce, nanalo na ng mga karera sa Triple Crown sakay sina Carriedo at Shining Fame, ngunit hindi pa naka-sweep.

“History ang habol namin dito (sweep), malaking karangalang sa isang hineteng katulad ko,” aniya

May kabuuang 11 ang nasa kasaysayan na nagwagi ng Triple Crown na kinabibilangan ng Fair and Square (1981, Skywalker (1983), Time Master (1987), Magic Showtime (1988), Sun Dancer (1989), Strong Material (1996), Real Top (1998), Silver Story (2001), Hagdang Bato (2012), Kid Molave (2014) at Sepfourteen (2017).

Nagtamo ng P1.8 million ang may-ari ng Heneral Kalentong na si Abalos Sr. mula sa total na papremyong P3 million na inihain ng Philracom. Tumanggap naman ang may-ari ng Cartierruo (Melanie Habla, jockey KB Abobo) ng P675,000, samantalang ang pangatlong  Tifosi (SC Stockfarm, JA Guce) ay sumungkit ng P375,000.

Hindi nakasali ang Union Bell, ang Philracom Stakes Race Horse of the Year sa nakaraang taon, at inisyal na paborito sa Triple Crown  dahil sa injury.

Bilang pagtalima sa ipinapatupad na ‘health protocol’ laban sa COVID-19 pandemic,  ang mga empleado lang ng Manila Jockey Club, Philracom personnel, horse-owners, hinete, trainers at espesyal na panauhin ang pinayagan sa loob ng SLLP.

Sa Philracom Hopeful Stakes Race, kampeon ang Prime Time Magic (owner Ken Logistics Forwarders, jockey RM Garcia) at tumanggap ng P600,000. Pumangalawa naman ang Spandau Ballet (Francisco Crisosotomo, FM Raquel), samantalang pangatlo ang Zenaida (Cool Summer Farm, OP Cortez).