Nais ng mga kongresista na pro-Velasco at ng Party-list Coaltion na ang botohan sa Speakership ay hindi sa Zoom isagawa, kundi sa pamamagitan ng physical presence ng mga miyembro ng Kamara upang hindi diumano mamanipula ng mga tagasuporta ni Speaker Alan Peter Cayetano ang bilangan.

Si Cayetano ay nakatakdang bumaba sa puwesto sa Oktubre 14 alinsunod sa term-sharing agreement nila ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Sinabi ni Negros Oriental Arnolfo Teves Jr. at ng mga kasapi ng Party-list Coalition sa Kapulungan na hindi kapani-paniwala na 184 solons ang bumoto para hindi tanggapin ang inialok na resignation ni Cayetano dahil sila ay muted o ginawang “pipi” sa panahon ng botohan. Sinabi ni Teved na hindi sila binigyan ng pagkakataon na makapagsalita dahil sila ay “pinipi” kahit nagtaas siya ng point of order upang sila’y makapagsalita. Ayon kay Teves, nais niyang umabot ito kay Pangulong Rodrigo Duterte upang malaman nito ang nangyayari sa Kamara.

“I hope this reaches Pres. Duterte so that he can see that what’s happening in the House is wrong. I want him to see that the proceedings in the House are being railroaded”.

Padilla, kinuwestiyon kredibilidad ng ICC prosecutors: 'Nag-aaral ba kayo ng batas?'

VELASCO NAKIPAGPULONG SA PANGULO

Samantala, nakipagkita kay Pangulong Duterte si Velasco nitong Lunes sa gitna ng iringan ng dalawang kongresista tungkol sa isyu ng liderato sa Kamara.

Hindi agad nalaman ang detalye sa pulong ng Pangulo at ni Velasco bagamat kinumpirma ito nina presidential spokesman Harry Roque at Ron Munsayac, executive director ng Partido Demokratiko Pilipino. Inaasahang ihahayag ni Roque ang mga detalye.

Ayon sa report, ang pag-usap ng Pangulo at Velasco ay tumagal ng hanggang 3:00 ng madaling-araw. Si Cayetano ay nakipagpulong din kay Duterte noong nakaraang Miyerkules matapos nag-alok ng resignation na tinanggihan ng 184 na congressmen.

-Bert de Guzman