Iginiit ng Department of Education (DepEd) na wala pa ring magaganap na face-to-face classes kahit sa mga lugar na walang naitatalang transmission ng COVID-19.
Ito ang paglilinaw ng opisyal sa apela ni Vice President Leni Robredo na ikonsidera ang pagsagawa ng in-person classes sa mga lugar na walang community transmission ng virus dahil sa mga hamon sa distance learning.
Sinabi ni DepEd Sec. Leonor Briones na hindi pa rin ito posible sa kasalukuyang kalagayan dahil ito ay may direktang utos mula kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Aniya, malinaw ang polisiya ng Pangulo na walang face-to-face habang wala pang vaccine o ng implikasyon, kapag ang epektibong lunas sa coronavirus ay meron na. “Pinag-aaralan naman natin lahat ang kilos ng coronavirus na ito at dun sa places na may zero cases, bigla na lang nagkaroon ng spike — may mga lugar na kaunti lang ang identified na may virus pero biglang tumataas at meron din nag-flatten,” saad ng opisyal.
-Jun Fabon