MAY tatlong buwan pang natitira bago ang pinakamalaking pagtitipon ng mga tao sa bansa—ang taunang Traslacion ng Itim na Nazareno mula Luneta Park patungo sa dambana nito sa Minor Basilica ng Itim na Nazareno sa Quiapo —sa Enero 9, 2021, ngunit sinimulan nang ikonsidera ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang problemang maaari nitong likhain sa nagpapatuloy na COVID-19 pandemic.
Ang imahe, na inukit noong ika-16 na siglo sa Mexico, ay dumating sa Pilipinas noong 1606 at nanirahan sa ilang simbahan sa Intramuros. Ginugunita sa translacion ang paglilipat ng imahe noong 1787 mula sa Simbahan ng San Nicolas de Tolentino ng Agustinian Recollects sa Intramuros patungo sa bago nitong tahanan , Simbahan ng Camisa, na ngayon ay Simbahan ng Quiapo.
Ang Translacion ang itinuturing na pinakamalaking relihiyosong prusisyon sa bansa, kung saan daan libo—milyun-milyon, ayon sa ilang pulis at opisyal ng Simbahan ng Quiapo—ang sumasama sa prusisyon o nag-aabang sa ruta nito. Walang sapin sa paa habang suot ang maroon na kasuotan nagbabakasakali ang mga deboto na mahawakan ang imahe o maging ang carroza lamang nito, sa paniniwala sa milagroso nitong kapangyarihang magpagaling, habang mabagal na hinihila ng mga tao sa Luneta patungong Quiapo mula madaling-araw hanggang hatinggabi.
Sa panahong ngayon ng COVID-19, malabong umusad ang Translacion. Nananatiling limitado sa 10 porsiyento ang kapasidad ng mga simbahan sa Metro Manila hanggang ngayon, pitong buwan matapos magsimula ang mga lockdown.
Kaya naman ibinahagi kamakailan ni Mayor Isko na kailangan niyang makipagpulong sa mga opisyal ng Simbahan ng Quiapo dahil posibleng hindi siya magbigay ng permiso para sa Translacion sa Enero 9, 2021—tulad ng Mahal na Araw na lumipas noong Abril nang walang tradisyunal na Visita Iglesia, o pagbisita ng libu-libong mga Katoliko sa pitong simbahan tuwing Huwebes Santo.
May isa pang Pilipinong tradisyon na posibleng ipagbawal ngayong taon—ang Simbang Gabi, isang novena ng misa sa madaling-araw mula Disyembre 16 hanggang sa Christmas Eve sa Disyembre 24, sa pagdagsa ng libu-libong mga Katoliko sa mga simbahan sa bansa, na ang iba ay nagkakasya na lamang sa mga gilid at harapan ng simbahan dahil sa kawalan ng espasyo sa loob. Isa itong tradisyon na dinala ng mga Pilipinong naninirahan ngayon sa ibang mga bansa.
Hindi pa rin naaaninag ang pagtatapos ng COVID-19 pandemic, mula nang umusbong ito sa China noong Disyembre 2019. Mayroon na ngayong higit 35 milyong kaso at higit isang milyong pagkamatay sa mundo dulot ng virus at nakaasa ang marami sa mga bakuna na ngayo’y nasa kani-kanilang proseso ng pinal na pagsusuri sa maraming bansa. Pinakamaagang inaasahan na maihahanda ang bakuna sa Disyembre, ngunit karamihan ay posibleng maaprubahan sa 2021 at mangangailangan pa rin ng ilang buwan bago mabigyan ang bilyon-bilyong tao sa mundo.
Sa ngayon, kailangan nating harapin ang Pasko na kaiba sa nakalipas. At posibleng hindi natin magawa ang malawakang prusisyon ng Itim na Nazareno sa Enero. Maaari lamang natin pagtuunan sa ngayon kung paano natin malalampasan ang COVID-19 pandemic at ang pagpaplano para sa pagbangon na mangangailangan ng ilang taon bago makamit.