ANG Pilipinas, kasama ng buong mundo, ay nagdusa sa pagbagsak ng ekonomiya dulot ng COVID-19 pandemic.
Sa Economic Update for East Asia and the Pacific para sa buwan ng Oktubre, sinabi ng World Bank na inaasahan nilang bababa ang ekonomiya ng Pilipinas ng 6.9 porsiyento ngayong 2020. Ngunit inaasahan itong babangon sa 5.3 porsiyentong paglago sa 2021 at 5.6 porsiyento sa 2022.
Una rito, noong Hunyo, tatlong buwan matapos simulan ang pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) lockdown sa Metro Manila at natitirang bahagi ng Luzon, nag-forecast ang World Bank ng pagbaba sa ekonomiya ng Pilipinas na 1.9 porsiyento para sa 2020, kasama ng mas mabilis na pagbangon na 6.2 porsiyento sa 2021 at 7,2 porsiyento sa 2022.
Malinaw na mapanglaw ang mga naging kaganapan sa pagitan ng ulat noong Hunyo at ulat ngayong Oktubre sa higit pang paglubog ng ekonomiya kumpara sa inaasahan. Sumailalim ang bansa sa serye ng lockdown na may magkakaibang epekto sa aktibidad sa ekonomiya at pagkilos ng indibiduwal.
Mula sa orihinal na ECQ, niluwagan ang Metro Manila sa Modified ECQ (MECQ), patungo sa General CQ (GEQ), bumalik sa MECQ nang manawagan ang mga frontliner, na nahihirapan na sa bugso ng lumalagong bilang ng mga kaso sa ospital, ng “time-out.” Ngayon, anim na buwan at kalahati mula nang magsimula ang lockdown, nananatili ang Metro Manila sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).
Lahat ng iba’t ibang lebel ng quarantine ay ipinatupad upang malimitahan ang galaw ng mga tao upang mapigilan ang higit pang pagkalat ng COVID-19 virus. Ngunit dahil kailangang manatili ng mga tao sa bahay, kinailangan huminto ng operasyon ang mga negosyo.
Nagsara ang mga tindahan at restaurant, salon at bars, groceries at mall, maging mga bus at eroplano, at dulot nito, walang kitang bibilangin na isinasama bilang bahagi ng Gross Domestic Product (GDP). Bumaba rin ang remittances ng mga Overseas Filipino Workers, na isa pang pangunahing tagapag-ambag sa GDP.
Dahil sa lockdown, ang bilang ng mga namatay ay impeksyon sa Pilipinas ay hindi kasing lala ng naitala sa United States, Brazil, India, Iran, Italy, Spain, at United Kingdom. Ngunit ngayon kailangan nating harapin ang ekonomikal na epekto ng COVID-19 pandemic – tulad ng inilarawan sa malaking pagbaba ng porsiyento sa forecast ng World Bank. Lahat ng pagkawala sa ekonomiya ay mararamdaman sa susunod na dalawang taon, ayon sa World Bank.
Ito ngayon ang dapat nating pagplanuhan para sa susunod na dalawang taon, simula sa National Budget na naka-pending ngayon sa Kongreso. Ngayon higit sa anumang panahon, ang “Build, Build, Build” program ang magiging susi sa muling pagtatayo ng ating ekonomiya.