MAGMULA ng pumanaw ang aking Lolo at Lola, bihira ko nang marinig ang mga katagang “palabra de honor” na bukambibig nila tuwing magtatalusira kaming mga apo, sa bagay na ipinangakong ‘di na uulitin na kakulitan naming mga kabataan.
Kaya nagulat ako nang muli kong marinig ang mga katagang ito – halos tatlong dekada na ring mawala sa aking bokabularyo – mula sa isang grupo na namamasada ng tricycle na de padyak, sa harapan ng isang karinderia sa kahabaan ng Agham Road sa Diliman, Quezon City.
Tumataginting sa aking pandinig ang magkakasunod na salitang pulitiko, senador at ‘palabra de honor’, pangalang Cayetano at Velasco, mula sa grupo. Tumigil ako sa paglalakad at dumiretso sa lugar nila at nagkunwaring may hinahanap na kakanin.
Mahilig kasi akong makinig sa ganitong klase nang usapan o kuwentuhan ng mga ordinaryong kababayan natin, upang makuha ng diretso ang tunay na damdamin ng mga nasa laylayan ng lipunan.
Napilitan tuloy akong bumili ng makakain at maiinom. Matamang nakinig ako sa usapang nila na papainit na, habang pinalalamig ko naman ang aking umuusok na kapeng 3-in-one.
Heto na yata ang pinakamatunog sa narinig ko sa kanila: “Anong aasahan mo eh talaga namang walang ‘palabra de honor’ ang mga hinayupak na pulitikong ‘yan!”
Singit naman ng isang sa tingin ko ay liyebo 40 na ang idad: “Wala talaga tayong mapapala sa mga ‘yan puro pang-sariling kapakanan ang nasa isip wala ni kapiranggot na para sa atin. Sa ating mga naghihirap na mamamayan!”
“Ang tindi ng mga ito sa gitna ng pandemiya na halos magpadapa sa ating bansa, ang inuna nilang pag-usapan at pagtalunan ay puwesto sa Kongreso at Senado. Nakalimutan na yata na maraming sikmura ang kumakalam sa gutom,” dagdag ng isang babae na nakadamit lalaki at nakaupo pa sa tricycle niya na nakaparada sa harap ng karinderiya.
Sabad naman ng isang sa wari ko’y teenager pa lang: “Baka maraming kita sa puwestong pinag-aagawan nila, siyempre, ako man ‘yun ang gusto ko dun sa posisyon na biglang bilyonaryo agad ako!”
Nakasimangot namang singit sa usapan ni Manang, ang may-ari ng kainan: “Ay naku – kahit sino pa man ang maupo sa mga puwestong pinag-uusapan ninyo dyan sa Senado o Kongreso ay wala rin kayong mapapala. Asikasuhin n’yo na lang ‘yang pag-padyak ninyo para kumita ng malaki nang may pantawid gutom ang mga pamilya n’yo. Sayang ang oras at laway ninyo sa usapang ganito!”
“Honga naman – tara na nga,” sabay-sabay na sabi ng grupo na nagpuntahan sa kani-kanilang tricycle para pumasada na sa naturang kalsada.
Sa dinaluhan kong lingguhang news forum kahapon – virtual na muna sa ngayon – na Balitaan sa Maynila, kung saan isa sa mga panauhin ay si Professor Ramon Casiple, isang iginagalang na political analysts sa bansa, biglang nagsalimbayan sa utak ko ang mga sagot nito sa mga katanungan ng mga mamamahayag at ang mga narinig ko namang komento at reklamo ng mga padyak driver sa lansangan.
Sabi ni prof Casiple: “May mga ambisyon sila na gustong matupad, mga pang personal, at hindi mismo ang bayan ang makikinabang.”
Dagdag pa niya: “Sana sa away nila – ‘wag nang madamay pa ang bayan!”
Sa luob-loob ko: “Iisa ang punto de vista nating mga Pilipino – ke mahirap o mayaman, may pinag-aralan man o wala -- kapag ang mga ganid at ambisiyosong pulitiko ang laman ng usapan!”
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.