HIGIT na mahalaga para kay Pres. Rodrigo Roa Duterte ang mapagtibay ang P4.5 trilyong national budget para sa 2021 kaysa kumukulong bangayan sa liderato ng Kamara sa pagitan nina Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Sinabi ng Malacañang sa pamamagitan ni Presidential spokesman Harry Roque na umaasa si Mano Digong na kikilos at pagtitibayin ng mga kongresista ang P4.506 trillion budget sapagkat mahalaga ito sa pagtugon ng gobyerno sa COVID-19 pandemic at pagbangon ng ekonomiya.
Ang Pangulo ang namagitan sa hatian o term-sharing agreement nina Cayetano at Velasco noong Hulyo 2019. Sa kasunduan o 15-21, hahawakan ni Cayetano ang Speakership sa loob ng 15 buwan at papalitan siya ni Velasco sa Oktubre 2020 hanggang Hunyo 2022.
Ayon kay Roque, ang talagang concern ng Presidente ngayon ay ang budget. “Hindi masyado yung liderato dahil ang kinakailangan niya ay itong COVID-19 budget niya for 2021 ay maapubrahan. Yan po talaga ang number 1 na nasa isipan ng Presidente na maipasa yung kanyang COVID-19 budget”.
Malaki na ang pinsalang nilikha ng COVID-19 sa ekonomiya ng Pilipinas. Maraming negosyo at kompanya ang nagsara na nagresulta sa pagkawala ng trabaho ng milyun-milyong Pilipino. Ang pambansang budget para sa 2021 ay may temang “Reset, Rebound, and Recover: Investing for Resiliency and Sustainability,” na isinumite ng Department of Budget and Management sa Kongreso noong Agosto.
Ipinaliwanag ni Roque na hindi na makakaya pa ng pamahalaan na magkaroon ng reenacted budget sa susunod na taon, laluna na ngayong kailangan ang sapat na pondo para matugunan ang pandemya. Batid naman ng lahat na kahit sino pa ang maging Speaker, laging ito ay daraan kay PRRD at sasabihan siyang aprubahan agad ang pambansang budget.
“Nagkaroon na tayo ng mapait na karanasan hindi napasa on time ang budget. Nagkaroon tayo ng reenacted budget. Hindi natin kaya na magkaroon na naman ng reenacted budget dahil ang budget natin sa taong nakalipas wala pa pong COVID noon. So kung mare-reenact yun, mawawawala talaga ang ating COVID response budget”.
Noong Miyerkules, ipinahayag din ni Spox Roque na ipinasiya ng Pangulo na hindi na makialam pa sa isyu ng liderato ng Kapulungan, at sa halip ay igagalang niya ang desisyon ng mga kongresista. Ang nasa isip ni PRRD ay maipasa agad ang national budget upang magamit laban sa COVID-19 at makatulong sa pagbangon ng nanlulupaypay na ekonomiya ng PH.
Kung sa Kapulungan ng mga Kinatawan sa Pilipinas ay kumukulo, nagliliyab at nagbabaga ang bakbakan sa liderato, sa United States ay umuusok din ang labanan sa pagka-pangulo. Sa unang debate nina US Pres. Donald Trump (Republican) at ex-Vice Pres. Joe Biden (Democrat), nabahiran ito ng sigawan, personal na insulto at kastiguhan.
Si Trump ay 73 anyos samantalang si Biden ay 77 taong gulang. Sa naturang debate na ginanap sa Cleveland, Ohio, nagmistula silang mga bata na hindi masawata ng Fox News moderator na si Chris Wallace. Unang sinigawan ni Trump si Biden na gumanti rin.
-Bert de Guzman