“KUNG hindi ninyo ako matutulungan para proteksyunan ang interes ng gobyerno, mag-usap tayo. Maaaring makahanap tayo ng lunas. Kung hindi, ikinalulungkot ko,” wika ni Pangulong Duterte nitong Lunes sa kanyang lingguhang pagharap sa taumbayan. Ang kanyang pinagsabihan ay ang social networking platform na Facebook (FB). Bagamat hindi diretsahang sinabi ng Pangulo kung ano ang kanyang gagawin sa FB kung hindi sila magkakasundo, mahihiwatigan na lang sa winika niyang ito: “Makinig ka Facebook. Hinahayaan ka naming na mag-operate dito na umaasang matutulungan ninyo rin kami. Pero, kung ang gobyerno ay hindi makapagtataguyod ng bagay para sa mamamayan, ano ang layunin ninyo sa aking bansa? Ano pa ang dahilan at kayo ay magpapatuloy kung hindi naman ninyo kami matutulungan? Hindi naman kami nagtataguyod ng mass destruction. Labanan lang ng mga ideya. Pero, sa inyong pahayag o posisyon, hindi ito magagamit na platform.” Kaya, gusto ng Pangulo na patuloy na magamit ang FB at kung hindi, wala nang dahilan para hayaan itong magoperate pa sa bansa. Ang problema, tulad ng radyo, telebisyon at pahayagan, ang FB ay ginagamit ng mamamayan para ilabas ang kanilang saloobin o opinyon lalo na sa polisiya ng gobyernong nakabubuti o nakakasama sa kanila. Kaya, iyong lang sinabi ng Pangulo na animo’y pagbabanta at pananakot ay pagsagka na sa kalayaan sa pamamahayag. Kaya, kumambiyo kaagad si Presidential Spokesperson Harry Roque. Sa layuning palabnawin ang winika ng Pangulo, sabi niya: “Ang sinabi lamang ng Pangulo ay kailangang magusap. Hindi maganda para sa Facebook at Pilipinas kung pagbabawalan ang social network dahil tayo ay numero uno sa Facebook. Kaya, malaking kawalan ito sa Facebook at maaapektuhan ang maraming Pilipinong gumagamit nito.”
Pero, ano ba ang ikinagalit ng Pangulo sa FB? Inalis nito sa kanyang networking platform ang dalawang grupo ng fake accounts, ang nasa Pilipinas at Fujian, China dahil labag sa kanyang community standards na “coordinate inauthentic behavior.” Ang lokal na grupo ay nakaugnay sa Armed Forces of The Philippines at Philippine National Police na inaatake ang mga aktibista at opposition. Ang Chinese Network naman, ang Rappler at sinusuportahan ang pagtakbo sa panguluhan sa 2022 ng anak ng Pangulo na si Sarah Duterte. Ang katwiran ng Pangulo laban sa ginawa ng FB ay hayaan ng FB na maging platform ito sa paglalaban ng mga ideya. Eh ang malaking problema na sinasabi ng FB ay mga fake accounts ang kanyang tinanggal. Ang nagtataguyod ng adbokasiya at nakikipagtunggali ng mga ideya ay mga nasa likod ng mga fake accounts. Mga multo ang mga ito pala. Hindi parehas ang laban.
Bukod dito, natunton na ang administrador ng fake account ay si Chief of the Army Social Media Center Army Captain Alexandre Cabales. Natagpuan ng Digital Forensic Research Lab ng US based Atlantic Council na ang kapitan ang nasa likod ng fake account demonizing leftist at youth organization at red-tagging ng mga kritiko ng Pangulo. May mga pinaslang nang mga abogado, lider-magsasaka, human rights advocate pagkatapos ng red-tagging sa kanila. Ke mga sundalo o hindi kilala ang mga pumatay sa kanila, lumalabas na ang pagpaslang ay polisiya ng estado dahil itinataguyod ng fake account ng militar ang red-tagging at ang pag-alis sa fake account na ito ay ikinagalit ng Pangulo.
-Ric Valmonte