Maaari pa ring mag-operate ang Bataan Nuclear Power Plant.
Ito ang iginiit ng Philippine Nuclear Research Institute at sinabing kahit ilang dekada nang hindi nagagamit ang planta ay maaari pa rin itong gamitin.
Paliwanag ni PNRI Director Carlo Arcilla, ang mga sinasabing laspag na ang planta ay maling-mali dahil hindi pa naman ito nagagamit.
“Imbitahin ko kayong pumunta roon. ‘Yun lang ang nuclear plant sa mundo na pwede kang mag-selfie sa loob ng reactor,” ayon kay Arcilla.
Ang naturang power plant ay 60% mas bata kaysa sa 98 na nuclear plants sa America.
“Pangalawa, kung ang sinasabi unsafe, sabihin natin ang Chernobyl, ang Chernobyl po kasi, iba ang design. ‘Yun ang tinatawag na Soviet design. Lahat po ng nuclear plants na Western design, may takip. Ang tawag d’yan, containment structure. Kung sakaling may aksidente, di kakalat. ‘Yun pong Chernobyl, walang ganyan,” paliwanag ni Arcilla.
Ayon sa International Atomic Energy Agency, Cherynobyl disaster ay tungkol sa nangyaring pagsabog sa nuclear power plant sa Ukraine noong 1986 na ikinasawi agad ng dalawang manggagawa at 28 iba pa dahil sa acute radiation sickness at isa pa dahil naman sa cardiac arrest.
Sa nasabing insidente, mahigit 200,000 katao ang nawalan ng tirahan at mahigit 1,800 kaso ng thyroid cancer ang naitala sa mga bata na may edad 14 pataas.
Idinagda pa nito na nuclear plant ay kaparehas ng disenyo ng talong power facilities sa South Korea, Slovenia at Brazil kaya’t kung bubuksan ito ay may model na pagkukunan ng mga tao at spare part.
Idinagdag pa nito na napakamura ng production cost ng nuclear plant at pinakamalinis ito dahil walang ibinubugang emission.
-Beth Camia