MABILIS na kumalat ang balita sa United States at sa buong mundo nitong Biyernes—kapwa nagpositibo sa COVID-19 sina President Donald Trump at First Lady Melanie Trump.
Sinasabing nahawa si Trump sa isa sa kanyang malapit na adviser, si Hope Hicks, na kasama niyang nagtungo sa Cleveland para sa unang presidential debate kalaban si Democratic Party candidate Joe Biden nitong Martes, at sa isang campaign rally sa Minnesota ng sumunod na araw.
Nitong Huwebes, napaulat na nagpositibo si Hicks sa virus at agad na sumalang sa test ang US President at First Lady kung saan natuklasan na kapwa sila positibo sa virus. Ini-airlift ang pangulo ng presidential helicopter nitong Biyernes patungong Walter Reed Military Medical Center sa Bethesda, Maryland, kung saan siya inaasahang mananatili sa susunod na 13 araw.
Si Trump ang pinakabagong world lider na nabiktima ng coronavirus. Noong Marso nagkasakit si Prime Minister Boris Johnson ng United Kingdom, kasama si Prince Charles, na tagapagman ng British throne. Nagkasakit din si Prime Minister Mikhail Mishustin ng Russianoong Abril, na sinundan ni President Jair Bolsonaro ng Brazil, Interim President Jeanine Anez ng Bolivia kasama ng kanyang pitong ministro, President Alejandro Giammattei ng Guatemala, President Juan Orlando Hernandez ng Honduras, Home Affairs Minister Peter Dutton ng Australia, at Finance Minister Bruno Le Maire ng France. Nitong Hunyo naman pumanaw sa sakit si Former Burundi President Pierre Nkurunziza. At nito lamang Agosto, pumanaw rin dulot ng nasabing sakit si Former President Pranab Mukherjee ng India.
Higit sa mga nabanggit na lider sa mundo, nangibabaw si Presidente Trump bilang biktima ng COVID-19. Ang kanyang bansang pinamumunuan, ang United States, ay ang pinakamalaking ekonomiya sa kasalukuyan, na may malaking impluwensiya sa politika at militar sa buong mundo.
May ‘political twist’ ang kuwento ni Trump. Noong Hulyo, napanood siya sa telebisyon habang sinasabi sa isang panayam na, “The Democrats are politicizing the virus. You know that, right? They are politicizing it.” Na sinundan niya ng pagbanggit sa pagsisikap ng mga Democrat na mapatalsik siya. “They tried the impeachment hoax.” Aniya . “And this is their new hoax.”
Sinabi ni Trump na pinababa lamang niya ang banta sa virus sa publiko, upang maiwasan ang pagpa-panic. Ilang buwan siyang tumanggi na magsuot ng mask sa publiko, kahit pa nga nananawagan na ang mga health officials sa lahat ng mga Amerikano na magsuot. Sa proseso, maraming tagasuporta ni Trump ang tumanggi ring magsuot ng face masks o sumunod sa social distancing. Maaaring isa itong dahilan kung bakit sa kasalukuyan, ang US ang may pinakamalaking bilang ng impeksyon at pagkamatay, higit sa anumang bansa sa mundo.
Nitong Biyernes, sa habang naglalakad siya sa harapan ng White House patungo sa presidential helicopter na magdadala sa kanya sa ospital sa Maryland, sa wakas ay nakita si President Trump na nakasuot ng itim na face mask. Umaasa tayong mabilis siya gagaling mula sa coronavirus infection at mahikayat ang kanyang maraming tagasuporta na makita at sumunod sa kanya bilang halimbawa, sumunod sa protocol ng pagsusuot ng face masks at social distancing, at tumulong sa mundo sa pagsisikap na mawakasan ang nagpapatuloy na pandemya.