SIMULA na ang labanan nang pinakamahuhusay na 3-taong gulang na kabayo para sa prestihiyosong Philracom Triple Crown Series ngayon sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Sentro ng atensyon ang mga pamosong kabayo na Cartierruo (owner Melanie Habla, jockey KB Abobo), Four Strong Wind (Alfredo Santos, OP Cortez), Heneral Kalentong (Benjamin Abalos Sr., JB Guce), Runway (Joseph Dyhengco, MM Gonzales) at Tifosi (SC Stockfarm, JA Guce).
May kabuuang P3 million na papremyo ang nakataya sa karera na tatakbuhin sa distansiyang 1,600 metro, tampok ang P1.8 million ang mapupunta sa kampeon at P675,000 naman sa runner-up. Ang pangatlo at pang-apat ay tatanggap ng P375,000 at P150,000.
Nagkampeon ng dalawang beses ang Real Gold noong nakaraang taon matapos sungkitin ang una at ikatlong legs ng serye, samantalang Boss Emong naman ang nagwagi sa ikalawang yugto.
Inilunsad ang Philippine edisyon ng Triple Crown noong 1978, kung saan nanalo ang Native Gift sa unang dalawang yugto bago maharang ng Majority Rule ang balak nitong sweep.
Mula noon, mayroon lamang 11 Triple Crown na kampeon sa bansa, na kinabibilangan ng Fair and Square noong 1981, Skywalker (1983), Time Master (1987), Magic Showtime (1988), Sun Dancer (1989), Strong Material (1996), Real Top (1998), Silver Story (2001), Hagdang Bato (2012), Kid Molave (2014) at Sepfourteen (2017).