LOS ANGELES – Araw ng pagtutuos sa tadhana ang susuungin ni Mark Magsayo sa kanyang pagsabak kontra Rigoberto Hermosillo ng Mexico sa harap ng international crowd para sa 10-round fight sa Los Angeles, California.

MAGSAYO

Ito ang unang sabak sa abroad ni Magsayo sa pangangasiwa ng MP Promotions, at target niyang mapanatili ang malinis na karta sa featherweight class sa Premier Boxing Champions card sa Microsoft Theater.

Ipalalabas ang laban sa FOX Sports 1 sa US, pagkakataon para kay Magsayo na mapabilib ang boxing fans sa US.

'Golden comeback!' EJ Obiena, nakasungkit ng unang ginto ngayong 2025

Tumimbang si Magsayo, nagwagi sa kanyang 20 laban bago lumagda ng kontrata sa grupo ni Sen. Manny Pacquiao, sa 127 lbs., habang si Hermosillo ay may bigat na 126.6 lbs.

Liyamado ang 25-anyos na si Magsayo, ngunit ayaw magpakumpiyansa ni MP Promotions president Sean Gibbons laban kay Hermosillo, pumalit sa orihinal niyang kalaban na si Jose Harro.

Tangang ng 28-anyos na si Hermosillo ang 10-2-1-1 karta.

“It’s definitely going to be an acid test for him. He’s fighting a tough Mexican,” pahayag ni Gibbons.

“The guy doesn’t have a big record, but he had a lot of fights amateur-wise in Mexico. His record is very deceiving and he’s a very tough, rugged southpaw,” aniya.

Target ni Magsayo na sundan ang tagumpay ng kababayan at MP stablemate na si John Riel Casimero na napanatili ang WBO bantamweight crown via third round stoppage kontra Duke Micah.

-Jonas Terrado