MALIIT lang ang pambansang budget ng Office of the Vice President (OVP) kumpara sa ibang tanggapan ng gobyerno. Sa taong 2021, binigyan lang ng Department of Budget and Management (DBM) ang OVP ng P679.7 milyon. Isipin natin na ang tanggapang ito ay pangalawa sa Office of the President (OP).
Noong Miyerkules, ipinasiya ng Senado na ibalik ang P45 milyon sa Office of the Vice President na tinapyas ng DBM. Sinabi ni Vice Pres. Leni Robredo sa Senate Committee on Finance, na ang halagang iyon ay inilaan para sa replacement ng service vehicles na gamit nila sa relief operations ng OVP.
Ayon kay beautiful Leni, may anim silang sasakyan na hindi na magagamit pa. Sa kanila raw relief operations, ang ginagamit nila ay mga pribadong behikulo ng kanyang mga staff dahil hindi na sila puwedeng gumamit ng office vehicles.
Dahil dito, hindi sila makapag-charge ng gasoline expenses kung kaya ang kanyang staffers ang bumibili ng gasolina o fuel gamit sa relief operations ang sariling pera.
Iminungkahi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na ma-restore ang hinihinging budget ng OVP para sa 2021 na P723.39 milyon na tinapyasan ng DBM at ginawang P679.7 milyon sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP).
Nakita ng mga senador na may katwirang ibalik ang orihinal na budget request ng OVP kung kaya ang mosyon ni Drilon ay sinuportahan nina Sens. Nancy Binay, Bong Revilla, Lito Lapid at Kiko Pangilinan.
Sa panig ni Sen. Sonny Angara, chairman ng Senate committee on finance: “I think everyone is unanimous, and I think the committee really has to move forward with this. Maliwanag na suportado ng mga senador ang ipinakikiusap na budget ng Office of the Vice President”.
Naniniwala ang mga senador na ang 2021 budget ng OVP ay gagamitin sa tamang paraan at hindi sasayangin sa walang kapararakang mga bagay. Ang tanggapan ni VP Robredo ang tumanggap ng highest audit rating mula sa COA noong 2018 at 2019.
Habang sinusulat ko ito, wala pang katiyakan kung sino ang talagang magiging Speaker ng Kamara. Si Taguig City Rep. Alan Peter Cayetano ang incumbent Speaker, pero dahil sa tinatawag na term-sharing o hatian sa termino, hindi pa lubos na batid kung mapupunta kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ang poder ng Kamara.
Si Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ang namagitan sa hatian. Ipinatawag niya sa Malacanang ang dalawa. Nagkasundo umano ang dalawa na bibitiwan ni Cayetano ang puwesto sa Oktubre 14, pero inunahan siya ng Velasco camp sa paghahayag ng napagkasunduan sa harap ni PRRD. Siya ang dapat mag-aanounce nito, pero para daw atat na atat ang mga supporters ni Velasco na i-anounce agad ito. Hindi ito nagustuhan ng Taguig City solon.
Dahil dito, tumayo sa bulwagan ng Kapulungan si Cayetano noong Miyerkules at nag-alok ng pagbibitiw. Tinanggihan ito ng 184 kongresista kaya siya pa rin ang Speaker. Sinabi naman ni presidential spokesman Harry Roque na hindi na makikialam sa bangayan si PRRD matapos malamang nag-alok ng resignation si Cayetano na tinanggihan ng mga kongresista. “Kawawa naman si Lord.”
-Bert de Guzman