MAKABABALIK na sa paglalaro bilang professional basketball player si Calvin Abueva. Hindi man sa Philippine Basketball Association (PBA), maaari nang muling makapaglaro ang kontrobersyal at isa sa pinaka-exciting na player sa kanyang henerasyon sa ibang liga o maging sa abroad.

Ngunit, kailangan niya munang magampanan ang dalawang importanteng kondisyon.

Sa inilabas na pahayag ng Games and Amusements Board (GAB) nitong Huwebes, sinabi ni GAB Commissioner Atty. Eduard Trinidad na ibabalik ng ahensiya ang pro license ni Abueva kung agad niyang magampanan ang mga ipinatupad na kondisyon.

“After due deliberation by the Board, we have decided to reinstate the Professional Basketball License of Mr. Calvin Abueva subject to the following condition,” pahayag sa impormasyon na inilabas ng GAB.

Mga Pagdiriwang

Kyle Jennermann at misis, nakisayaw sa Obando

Kabilang sa kondisyon na ibinigay ng GAB ay ang pagdalo ni Abueva sa seminar ng The Code of Conduct and Ethical Standards of Professional Athletes, gayundin ang magpasailalim sa mandatory drug test bilang bahagi ng regulasyon sa kanyang medical record

“Hindi mabigat ang mga kondisyon na ito, pero kailangan tuparin niya ito at bilang patunay kailangan siyang pumirma na susundin niya ito. Apologetic si Calvin at ramdam namin na talagang nagsisisi na siya na nagawa niya na naging dahilan ng kanyang suspension sa PBA,” pahayag ni Trinidad.

Nakapulong ni Trinidad kasama si GAB Pro Sports Division Chief June Bautista sina Abueva at Phoenix coach Topex Robinson nitong Lunes bago bumiyahe ang National Team member patungong Clark para makasama ng Fuel Masters sa isinasagawang ‘bubble’ practice bilang paghahanda sa napipintong pagbabalik ng PBA.

“Calvin was remorseful in what he did and asked for an apology for his actions with a promise not to repeat the same mistakes and set a good example to the audience especially to the young fans,” pahayag ni Trinidad.

Wala pang opisyal na pahayag ang PBA hingil dito, ngunit pinayagan ng liga ang kahilingan ng Phoenix management na payagan na makasama ang 6-foot-2 guard sa ginagawang ‘bubble’ training sa Clark.

Pinatawan ng ‘Indefinite suspension’ ng PBA si Abueva matapos ang magkasunod na kontrobersya na kinasangkutan sa Commissioner’s Cup sa nakalipas na taon.

Noong Mayo 31, inireklamo siya ng kapwa player na si Bobby Parks, Jr. matapos nitong insultuhin at bastusin ang nobyang si Maika Rivera.

Nasundan ito ng mapatalsik siya sa laro matapos sadyang saktan si TNT import Terrence Jones sa 88-114 kabiguan ng Phoenix. Nauna rito, natawagan na siya ng technical foul.

-Edwin G. Rollon