LAKE BUENA VISTA, Florida (AP) — Naging madali para kay LeBron James at sa Los Angeles Lakers na mairaos ang Game One ng NBA Finals.
Nagsalansan si James ng 25 puntos, 13 rebounds at siyam na assists, habang humakot si Anthony Davis – sa kauna-unahang karanasan sa NBA Finals – ng 34 puntos sa 116-98 panalo ng Lakers kontra Miami Heat nitong Miyerkoles (Huwebes sa Manila).
Matikas ang opensa ng Lakers bench sa natipang 13 puntos ni Kentavious Caldwell-Pope, habang tumapos sina Danny Green at Alex Caruso ng 11 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Ito ang unang pagsampa ng Lakers sa NBA Finals matapos ang isang dekada at matikas nilang ipinaramdam ang marubdob na hangarin na muling tanghaling kampeon. Tangan ng Lakers ang 1-8 marka sa sandaling makamit ang Game1. Ngunit, sa pagkakataong ito, may James silang sasandalan.
“We kind of picked it up on both ends of the floor,” pahayag ni Davis.
Sa kabila ng tinamong mild sprained sa kaliwang paa, nagawang makaiskor ni Jimmy Butler ng 23 puntos, habang hindi nakalaro si Heat star point guard Goran Dragic sa halftime bunsod ng injury sa paa at ipinahinga si All-Star center Bam Adebayo sa third period bunsod nang pananakit ng dating injury sa kaliwang balikat.
Kumubra si Kendrick Nunn ng 18 puntos para sa Heat, habang kumana sina rookie Tyler Herro at Jae Crowder ng 14 at 12 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Gaganapin ang Game Two sa Biyernes (Sabado sa Manila).
Nadomina ng Lakers ang Miami sa rebound, 54-36, at nakabaante sa pinakamalaking bentahe na 32 puntros, tampok ang 15 three-pointers.