Nitong Lunes ng gabi, sa kanyng lingguhang television appearance bago niya batikusin ang Facebook, nabanggit muli ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagnanais niyang magbitiw na sa pwesto. Kahit ano raw kasi ang kanyang gawin, hindi nawawala ang korupsyon sa gobyerno. Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi talaga magbibitiw ang Pangulo. Ipinakita lang niya, aniya, ang kanyang pagkadismaya sa laganap nang korupsyon sa pamahalaan. Ganito rin ang opinyon ni Senate President Vicente Sotto. Hindi na kailangan ang paliwanag nina Roque at Sotto, wala namang maniniwala sa sinabi ng Pangulo o kahit sa Pangulo mismo. Ilang ulit na niyang binanggit ito para ipakita lamang na wala na siyang kakayahang malutas ang mga problemang ipinangako niya na kanyang mareremedyuhan nang nangangampanya siya sa panguluhan. Sa ngayon pa lang para na niyang sinabi sa sambayanan na huwag na silang umasa na may magagawa pa siya.
Noong una pa lang, mahirap nang asahan may mangyayaring pagbabago sa kampanya ng Pangulo laban sa korupasyon, o kahit sa droga. Kabagu-bago pa lang siyang nanunugkulan, pumasok na sa bansa ang bulto-bultong droga. Hindi bale sana kung lihim itong naganap. Ang problema, mismong sa Bureau of Customs ito nangyari. Sa panahon ni Commissioner Faeldon, nakalusot ang P64 bilyong na droga na natunton sa isang warehouse sa Valenzuela. Inalis nga si Faeldon, pero inilipat sa civil defense unit ng Armed Forces of the Philippines at itong huli, sa Bureau of Corrections kung saan dito nagaganap ang bentahan ng droga. Ipinalit si Gen. Guerrero kay Faeldon bilang customs commissioner. Pumasok din ang P11 bilyon droga na nasa 6 na magnetic lifter. Nang umabot ito sa kaalaman ng PDEA, natunton sa GMA, Cavite ang mga magnetic lifter na wala nang laman. Nang ipilit ni PDEA Director Aaron Aquino na droga ang naging laman ng mga ito, pinagalitan pa ng Pangulo si Aquino at sinabi dito na kung wala itong mga laman ay walang batayan para sabihin nito na droga ang naging laman. Ganoon pa man, inalis ng Pangulo sa BoC si Guerrero, pero hinirang naman niya itong mamuno ng TESDA.
Ang mga insidenteng ito sa BoC ay maliwanag na inihayag ang kawalan ng sinseridad ng Pangulo sa kanyang kampanya laban sa korupsyon at droga. Ang mga ito, ay siyang naging gabay ng mga nanungkulan sa gobyerno, lalo na iyong mga malakas sa administrasyon, hanggang ngayon. Lalo na ngayong bihira na makita ang Pangulo at ipinaubaya na sa kanila ang pagpapatakbo ng gobyerno. Kanya-kanya nang paggawa ng paraan para maibulsa ang salaping nasa kanilang kapangyarihan. Inalis pa ni Ombudsman Samuel Martirez ang ilan sa mabisang paraan para malaman ng taumbayan na ang yaman ng isang opisyal ay akma sa kanyang kinikita. Ang Statements of Assets, Liabilities and Networth na inihahain ng mga opisyal ng gobyerno bilang kanilang tungkulin ay ipinagbawal nang makuha ng kahit sino gayong ito ay publikong dokumento na may interes ang taumabayan. Ipinagbawal din ang lifestyle check ng mga nasa gobyerno.
Hindi dapat si Pangulong Digong ang madismaya sa laganap nang korupsyon sa gobyerno, kundi ang mamamayan. Hanggang ngayon bukas pa ang isyung P2 bilyong yaman na itinatago ng Pangulo sa bangko, na noon pang Senador si Antonio Trillanes ay nakahanda itong magbitiw kapag hindi niya ito napatunayan. Eh ayaw magbigay ng waiver ang Pangulo para maukilkil ng dating Senador ang kanyang deposito, tulad ng pagtanggi ng kanyang anak na si Cong. Paolo Duterte na ipakita ang kanyang tattoo sa likod na nagpapatunay na miyembro siya ng drug syndicate. Hindi dumating ang pagbabago, ang dumating ay pandemya.
-Ric Valmonte