HALOS siyam sa bawat 10 Pilipino ang patuloy na nangangamba na sila at kanilang pamilya ay mahawahan o tamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). Ito ay katumbas ng 85 porsiyento sa tinanong na mga Pinoy.
Sa pinakahuling ulat ng SWS na ni-release noong Lunes, lumalabas na 85% ng 1,249 adult Filipinos na tinanong ay nangangamba na alinmang miyembro ng pamilya ay tamaan ng COVID-19.Hanggang nitong Lunes, umabot na sa 307,288 ang kaso ng pandemya sa Pilipinas matapos magtala ang DoH ng 3,073 bagong kaso.
Sa bilang na ito, 63% ang labis silang nag-aalala, 22% ang medyo nag-aalala, at 9% ang bahagya ang pag-aalala. Tanging 6% ang nagsabing hindi sila nag-aalala na tamaan ng sakit na batay sa pinakahuling tala ng Department of Health (DoH), ay umabot na sa mahigit na 307,000 at kumitil ng 5,381 tao sa Pilipinas.
Batay sa SWS survey, ang antas ng pangamba o pag-aalala ay pinakamarami sa Balance Luzon, o mga lugar na nasa labas ng Metro Manila na 87 porsiyento. Samantala, ang takot na tamaan ng COVID-19 ay medyo bumaba sa outbreak epicenter na Metro Manila na 83% nitong Setyembre, mula sa 92% nitong Mayo at Hulyo.
Ang pangamba na baka tamaan ng coronavirus sa Visayas ay bahagya lang umusad sa 84% ngayong Setyembre mula sa 85% noong Hulyo. Gayunman, sa Mindanao tumaas ito sa 80% mula sa dating 77%. Ang antas ng pangamba o pag-aalala ay bumaba nang bahagya sa hanay ng kababaihan na 84% at bahagya namang tumaas sa kalalakihan na 85%.
Sinabi ng SWS na kumpara sa nakaraang mga survey, mas mataas ang pangamba ng mga tao na tamaan sila ng COVID-19 kaysa pangamba na mahawahan o tamaan ng iba pang mga virus, gaya ng Ebola, Swine Flu, Bird Flu at Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS).
Ang survey ng SWS noong Setyembre 17 hanggang 20 ay ginamitan ng mobile phone at computer-assisted interviewing. May sampling error margins ito na ±3% para sa national percentages, ±6% para sa Metro Manila, ±5% para sa Balance Luzon, ±6% para sa Visayas, at ±6% para sa Mindanao.
Hanggang hindi nakatutuklas ng mabisang bakuna laban sa Covid-19, hindi mawawala ang pangamba, takot at pag-aalala na mahawahan ng veeruz na ito, este virus, ang mga mamamayan ng mundo na sa huling ulat ay mahigit na sa 33 milyon ang may sakit at halos isang milyong tao na ang namamatay.
Sa Pilipinas, pinayuhan ni Sen. Panfilo Lacson si Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na kung taglay nais nitong mawala o mabawasan ang kurapsiyon sa gobyerno, kailangang tabasin niya ang lahat ng tiwali at bulok na opisyal ng pamahalaan, kaibigan man o kaaway.
Hindi umano kailangang magbitiw ang Pangulo, ayon kay Lacson, dahil sa pagkadismaya sa patuloy na katiwalian at kabulukan sa administrasyon na sangkot ang kanyang mga kaibigan, kaalyado, kamag-anak, manapa ay tuparin lang niya ang pangakong “Just a whiff of corruption”, sisibakin ang sino mang puno ng departamento o kahit ang mga miyembro ng kanyang gabinete. Mr. President, huwag kang magbitiw, manibak ka na lang!
-Bert de Guzman