ISANG malaking honor kay Kapuso actress Myrtle Sarrosa na siya ang tinanghal na natatanging Pinay na pumasok sa Top 100 Ragnarok Gamers sa Southeast Asia. Hindi raw niya in-expect iyon dahil kahit matagal na siyang gamer, ngayon lamang nakapasok ang isang tulad niya, dahil sa mga nakaraang taon, walang nakapasok sa Top 100.
Pahayag ni Myrtle sa interview niya sa 24 Oras: “Yung goal ko talaga for this season natupad. Okey na nga sa akin kahit makapasok lamang ako sa Top 600, but together with my teammates and other fellow Filipinos who played together with me, nakapasok kami sa Top 100.”
Pero wish pala ni Myrtle na makalaro niya ang isa pang mahusay na gamer, si Asia’s Multimedia Star, si Alden Richards. Bukod kasi na isang mahusay na Mobile Legend player si Alden, naglalaro rin siya ng Ragnarok, kaya minsan na niya itong nakalaban. Kaya looking forward siyang maka-collaborate si Alden.
“Sana maimbita ko siya to play with me. I hope next time, we can play together kasi he’s very good din sa video games at nakakatuwa iyong mga live streams niya.”
Kahit na abala si Myrtle bilang gamer, tuloy pa rin siya sa kanyang pagko-cosplay na una niyang ginawa bago siya naging artista. Kamakailan, naging guest na rin siya ng GMA Artist Center na Cool Hub na guests din ang winner ng Gyeonggi International Cosplay Festival sa Bucheon, South Korea. At patuloy pa ring endorser si Myrtle, her 3rd year, ng Sisters Sanitary Napkin and Pantyliners Celebrity Ambassador ng Megasoft Hygienic Products.
-NORA V. CALDERON