KABADO ang oposisyon sa magiging papel ng China sa paparating na presidential elections sa 2022 dahil sa unti-unting paglabas ng mga intelligence report na may kinalaman ang ilang opisyal ng dating “Sleeping Giant of Asia”, sa kumakalat na propaganda sa social media ng ilang nag-aambisyon na maging pangulo ng bansa.
Siyempre, ang unang kinakitaan ng pagkabahala ay si Vice President Leni Robredo, matapos na mabuko ng social media giant Facebook ang dalawang “networks of accounts” – pinanggagalingan ng mga fake news at black propaganda – ay may koneksyon rin sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP), habang ang isa pa ay may linya sa China.
Kasama sa mga isinara ng Facebook ay ang mga site na todo ang pagtulak kay Davao Mayor Sara Duterte, na tumakbo bilang pangulo sa 2022. Kabilang din ito sa mga accounts na umaatake, nagkakalat ng fake news tungkol sa oposisyon, lalo na kay VP Leni.
Ani VP Leny: “Ano ang ginagawa ng China sa ating domestic affairs? Dapat tayong matakot…Does their interest show because this will also protect their own interest? I think this is frightening because it involves our sovereignty.”
Pero hindi ako nagulat man lang sa sinasabing posibleng pakikialam na ito ng China sa ating halalan. Dangan kasi talagang nangyayari naman ito, noon pa, sa mga nakaraang pambansang eleksyon sa bansa. Hindi nga lang sa pamamagitan ng social media – ‘di pa ito ginagamit ng husto noon sa mga propaganda at paninira -- kundi sa pagbibigay sa mga sinusuportahan nitong pulitiko ng CASH na gagastusin sa pangangampanya.
Bantayan n’yo ang mga biglang mag-a-abroad na mga tatakbong pulitiko sa lugar n’yo – siguradong ang last stop ng mga ito ay sa China – hindi para mamasyal kundi para mag-follow-up sa ipinangakong suporta ng mga opisyal doon, na tsokaran naman ng mga negosyanteng Tsinong “kumpale” nila rito sa ‘Pinas.
May mga kilala kasi akong mga retiradong opisyal noon ng AFP at PNP na nag-ambisyong tumakbo sa Senado at Kongreso. Sa kanilang mga bibig mismo nanggaling ang kuwento – na may halong pagmamalaki pa siyempre – na magsisimula sila sa pangangampaniya “as soon as pumasok” sa kanilang mga account ang hinihintay na tulong mula sa mga sponsor nila sa China.
Yun lang – nang makuha ang “financial support” mukhang katiting lang ang napunta sa “political campaign” dahil ang biglang lumaki ay ang bahay at negosyo na mga ito. Kaya kahit talunan sa eleksyon ay kumita pa sila.
Ang ikinagulat ko sa isyung ito, ay ang pag-alma ni Pangulong Rodrigo R. Duterte sa ginawang ito ng Facebook. Kinampihan nito siyempre, ang kanyang mga pulis at militar – matapos din na agad na itanggi na kanila ang mga sinasabing accounts na nagkakalat ng mga fake news – sa kanyang talumpati nitong nakaraang Lunes ng gabi.
Ayon sa Pangulo, ginagamit ng militar at pulis ang sinasabing FB accounts ng AFP at PNP para sa “advocacy” nito laban sa mga maka-kaliwang grupo na gustong ibagsak ang pamahalaan.
Sabi niya: “Now, if government cannot espouse or advocate something which is for the good of the people, then what is your purpose here in my country? And then you’re encouraging the left, then you believe in the left. What would be the point of allowing you to continue if you cannot help us? It’s so convoluted I cannot understand. But put it this way: Tell me why can’t I use for the benefit of the people?”
Patutsada niya: “If government cannot use it for the good of the people, then we have to talk. We have to talk sense,” dugtong pa niya.
Mawala na kaya sa buhay nating mga Pinoy ang FACEBOOK? – Abangan!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.