NAGHIHIRAP na, lalo pang naghihirap at nagugutom ang mga Pilipino bunsod ng pananalasa ng coronavirus 2019 (COVID-19) na hanggang nitong Setyembre 27 ay nakapagtala na ng 304,226 kaso, 252,210 ang gumaling at kumitil ng 5,344 buhay.
Inuulit ko, kung ang paniniwalaan ay ang survey ng Social Weather Stations (SWS), lalo raw dumami ang mga Pinoy na dumanas ng “involuntary hunger” o nagutom na talaga nitong Setyembre. Ang SWS ay nagsagawa ng mobile phone survey.
Sa SWS survey nitong Setyembre17-20, may 30.7 porsiyento o tinatayang 7.6 milyong pamilya ang nakaranas ng tunay na gutom dahil hindi nakakain kahit minsan sa maghapon. Ito ay mas mataas sa 23.8 porsiyento noong Marso 2012, ayon sa SWS.
Sa 30.7 percent hunger rate, may 22 porsiyento o tinatayang 5.5 milyong kabahayan o pamilya ang nakaranas ng “moderate hunger” at 8.7 porsiyento (may 2.2 miyong pamilya) ang nakaranas ng “ “severe hunger” o labis na pagkagutom.
Ibig sabihin ng moderate hunger ay tungkol sa mga taong nakaranas ng “minsan lang” o “ilang beses” na gutom sa nakaraang tatlong buwan. Samantala, ang “severe hunger” ay tumutukoy sa mga Pinoy at Pinay na dumanas ng gutom nang “madalas” o “lagi na” sa nakalipas na tatlong buwan.
Sa mga lugar, ang kabuuang pagkagutom ay tumaas sa Visayas mula sa 27.2 percent (may 1.3 milyong pamilya) nitong Hulyo 2020 sa bagong record-high na 40.7 percent (may 1.9 milyong pamilya) nitong Setyembre 2020.
Sa Mindanao, mula sa 24.2 percent (may 1.4 million families) nitong Hulyo 2020, bigla itong lumundag sa new record-high 37.5 percent (may 2.1 million families) nitong Setyembre 2020. Sa Metro Manila, mula sa 16.3 percent (about 546,000 families) nitong Hulyo 2020 ay tumaas sa new record-high 28.2 percent (around 941,000 families) nitong Setyembre 2020.
Sa tinatawag na balance Luzon, ang pagkagutom ay mula sa 17.8 percent (around two million families) nitong Hulyo 2020 at naging 23.8 percent (about 2.6 million families) ngayong Setyembre 2020.
Ang pambansang survey ay ginawa ng SWS gamit ang mobile phone at computer-assisted telephone at kumapanayam sa 1,249 adult Filipinos, 18 anyos at pataas. As usual, hindi na naman ako na-interview ng SWS.
Ayon sa SWS, ang pagkagutom ng mga tao ay nagsimulang tumaas noon pang Mayo 2020. Tumaas ito ng 9.8 points mula sa 20.9 percent nitong Hulyo 2020, ng 14 points mula 16.7 percent nitong Mayo 2020, at kabuang 21.9 points mula 8.8 percent noong Disyembre 2019.
Kawawa ang ating mga kababayang Pinoy, laluna ngayong hindi pa lumalayas sa ating bansa, ang salot na COVID-19. Maraming negosyo at kompanya ang nagsara dahil sa pandemya. Libu-libo o milyun-milyng manggagawa ang nawalan ng trabaho.
Sana ay makatagpo at makatuklas na ang mga scientist at medical expert ng bakuna laban sa COVID-19 para manumbalik ang normal na buhay ng mga Pilipino at maging ang mga mamamayan ng buong mundo.
-Bert de Guzman