BOLA at rosaryo -- dalawang bagay na bihirang mapagsama. Ngunit, para kay dating PBA elite center Emmanuel “Manny” Victorino, ito ang nagsalba sa kanyang buhay mula sa tukso ng barkada at droga.
Masalimuot ang naging kabataan ni Victorino na sa murang edad na 11 ay namuhay na walang gabay ng magulang at tanging ang barkada ang naging sandalan sa laban ng buhay.
“Naiwanan ako ng magulang ko nung 11 years old pa lang ako. Na-involved ako sa barkada, nakapag drugs din nung bata ako. Wala akong makapitan noon, hanggang natutunan ko ang magdasal at magtiwala sa Diyos. Sa kanyang awa, na-rehab ako. Talagang mahirap magbago, pero siya lang talaga ang kinapitan ko,” pagbabalik-tanaw ni Victorino sa panayam sa Sports On Air Classic Edition.
“Hindi kayo maniniwala, hirap na hirap talaga ako sa buhay ko. Ang tawag nga sa akin sa lugar ko, “Punong walang lilim”. Ibig sabihin non, ang laki ko pero walang gamit. But God is so good. Binigyan niya ako ng pagkakataon na makapaglaro ng basketball, maitaguyod ko sarili ko. That’s a gift.
“Talagang, tinulungan ako ni Lord at ang basketball, ito yung gift niya sa akin para mabago ang buhay ko,” ayon kay Victorino, isa sa maituturing na lehitimong sentro sa pro league na may galing at husay na maipantatapat sa superstars noon tulad nina Mon Fernandez ng Toyota, Alberto Guidaben at Yoyoy Villamin ng Crispa.
Nakila si Victorino bilang haligi ng Great Taste Coffee na naging kampeon sa PBA kasama ang pamosong si Ricky Brown noong dekada 80. Ngunit, inamin niyang ang puso niya ay nasa koponan ng Toyota.
Ayon kay Victorino, habang high school player sa Jose Rizal College, inalagaan at inihanda na siya ni Toyota coach Dante Silverio upang maging bahagi ng koponan sa hinaharap. “Actually, sa Presto ako unang naglaro sa PBA. Pero noong high school pa lang ako, binibigyan na ako ng allowance ng Toyota. Binibigyan ako ni coach Dante Silverio noon ng P1,000 per month,” pahayag ni Victorino.
Nakapaglaro siya ng dalawang conference sa MICAA, subalit hindi natuloy ang kanyang paglalaro sa Toyota sa PBA matapos itong ma-disband. Kinuha siya ni Jimmy Mariano para sa Great Taste. Bago nagretiro nakalaro din siya sa Shell, Pepsi, Ginebra, Purefoods at Sunkist, at naging bahagi ng Cagayan de Oro Nuggets sa nabuwag na ring MBA.