IPINAGDIWANG ng United Nations ang ika-75 anibersaryo nitong Setyembre 21 sa temang “The future we want; the United Nations we need -- reaffirming our collective commitment to multilateralism.”
Ang multilateralism ay isang konsepto na matagal nang pinag-aaralan sa internasyunal na ugnayan. Nananawagan ito sa mga bansa sa sumunod sa isang pandaigdigang pamantayan at magbigay ng malaking respeto sa mga internasyunal na institusyon. Taliwas ito sa unilateralism, kung saan pinanghahawakan ng isang estado ang politikal at komersyal na interes ng bansa sa paghahangad nito na maimpluwesiyahan ang pandaigdigang ugnayan. Habang may konsepto rin ng bilateralism kung saan bumubuo ang isang estado ng mga alyansa na nagtatakwil sa isang third party.
Pinagtibay ni Pangulong Duterte ang pangako ng bansa hinggil sa multilateralism sa naging talumpati niya kamakailan sa UN General Assembly nang mabanggit niya, bilang kaugnayan ng COVID-19 pandemic: “To this end, we rededicate ourselves to multilateralism. The UN remains humanity’s essential organization. But it is only as effective as we make it. Let us empower UN – reform it –to meet the challenges of today and tomorrow. Let us strengthen it so it can fully deliver its mandate to maintain peace and security, uphold justice and human rights, and promote freedom and social progress for all.”
Sa kanyang sariling talumpati sa UN, binigyang-diin din ni China President Xi Jinping ang multilateralism sa kanyang diskurso sa kasalukuyang problema ng bansa, mula sa pandaigdigang krisis dala ng COVID hanggang sa suliranin ng climate change. Sa pandemya, inihayag niya ang $2-billion donasyon ng China para sa pagsisikap ng UN at ng World Health Organization laban sa COVID-19 at idineklarang kapag handa na ang bakuna ng China, ito ay magiging “global public good.” Muli rin niyang nabanggit ang panawagan ng China sa mundo na magkaisa sa isang “Community of Shared Future for Mankind.”
Maging si Pope Francis, sa kanyang talumpati sa nasabing UN forum bilang pinuno ng pinakalamaliit na estado sa mundo, ay nanawagan din para sa multilateralism. “At present, we are witnessing an erosion of multilateralism, which is all the more serious in light of the development of new forms of military technology… We need to break with the present climate of distrust,” aniya.
Nagbigay ng oportunidad ang espesyal na sesyon ng UN General Assembly sa mga lider ng bansa sa mundo, upang makapagpahayag sa buong mundo sa pamamagitan ng modernong teknolohiya, nang hindi nagtitipon bilang pagkonsidera sa nagpapatuloy na pandemya.
Lumikha naman ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga lokal na opisyal ang naging pahayag ni Pangulong Duterte sa isang bahagi ng kanyang talumpati nang mabanggit niya ang tungkol sa 2016 Arbitral Court ruling sa South China Sea. Ngunit sa pandaigdigang komunidad, ang kanyang pakikiisa sa iba pang lider ng mundo, kabilang kina Chinese President Xi Jinping at Pope Francis ng Vatican, sa pagsusulong ng multilateralism sa ugnayan ng mundo ang pinakamahalaga.
Sa isang mundo na puno ng pagkakahati-hati at sariling interes at unilateralism, kailangan natin ang mas maraming bansa at mas maraming lider na manindigan para sa prinsipyo ng multilateralism – ng katumbasan, pagbabahagi ng pasanin, at magkakasamang aksiyon sa relasyon at ugnayan ng mundo.