MAGING sina dating Supreme Court (SC) senior Associate justice at ex-Ambassador Albert del Rosario ay humanga at pumuri kay Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) nang magtalumpati siya sa UN General Assembly (UNGA) noong Martes.
Sina Carpio at Del Rosario ay kabilang sa matitinding kritiko ng Pangulo sa pangangasiwa sa West Philippine Sea (WPS) dahil sa diumano’y pagiging malambot nito China sa kabila ng pambu-bully at pag-okupa sa mga reef at shoal ng Pilipinas na saklaw ng Exclusive Economic Zone (EEZ).
Sa talumpati sa UNGA, tahasang sinabi ni PRRD na tatanggihan ng PH ang mga pagtatangka na balewalain ang desisyon ng Permanent Arbitration Court sa The Hague na kumikilala sa karapatan ng ating bansa sa West Philippine Sea (WPS).
Sinabi ni PRRD na ang arbitral ruling noong 2016 pabor sa Pilipinas kontra sa China ay “beyond compromise and beyond the reach of passing governments to dilute, diminish or abandon.” Samakatwid, hindi aatras o pababayaan ng gobyernong Pilipino na agawin ng China o ng alinmang bansa ang mga teritoryo sa karagatan.
Sinabi ni presidential spokesman Harry Roque na ang landmark ruling ng arbitral court ay kumikilala sa sovereign rights ng PH sa Exclusive Economic Zone at ngayon ay bahagi na ng international law, ang UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Batay sa desisyon ng arbitral court na naka-base sa The Hague, ibinasura nito ang far-reaching maritime claim nito sa South China Sea (SCS), isang busy sealane na dinaraanan ng mga bapor na may kargang kalakal na $5 trilyon taun-taon.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na hindi na “pusong-mamon” ang Pangulo sa bansa ng kanyang BFF na si Pres. Xi Jinping. Nagpakita na raw ito ng katatagan at “pusong-bato” tungkol sa WPS na noon ay paulit-ulit na sinasabing ayaw niyang makipag-away sa China dahil mauubos lang ang mga tauhan ng AFP at PNP kapag nakipagdigma sa dambuhula. Eh, wala namang nais makipagdigma sa China. Inutil daw siya dito.
Tungkol naman sa isyu ng SALN (Statement of Assets, Liabilities and Network) na naglilimita sa access ng publiko sa SALN ng mga opisyal ng gobyerno alinsunod sa memorandum na inisyu ni Ombudsman Samuel Martirez, sinabi ni ex-Ombudsman Conchita Carpio-Morales na maaaring hindi lubos na nabasa ng pumalit sa kanya ang batas tungkol dito.
Sinabi ni Carpio-Morales na maaaring hindi naman pinoprotektahan ni Martirez ang mga tiwaling opisyal, pero ang kanyang bagong policy hinggil sa SALN ay salungat sa constitutional principle na ang “public office is a public trust.”
Inihayag ng may “balls” na dating Associate Justice ng Supreme Court na may batas na nag-aatas sa paghahain ng SALNs at nagmamando rin na ang publiko ay entitled na makakuha kahit man lang photocopy ng mga ito upang gamitin sa mga lehitimong aksiyon at hindi labag sa morals o sa public policy para manira o maghiganti sa kalaban.
Sa kanyang Memorandum Circular No 1 Series of 2020 na nilagdaan noong Setyembre 1, sinabi ni Martirez na ang mga SALN na inihain sa Ombudsman ay hindi ire-release pa sa publiko, kabilang ang mga miyembro ng media, sa kondisyong ang naghihingi ng kopya ng SALN ay may notarized letter of authority mula sa may-ari ng SALN. Hindi rin siya kumporme sa tinatawag na “lifestyle check”.
Sabi ng kaibigan kong sarkastiko: “Anak ng bakang dalaga, eh kung ako ang opisyal na may tago o nakaw na yaman na nakuha sa maruming paraan, aba, hindi ako magbibigay ng awtorisasyon sa requester o nanghihingi ng kopya ng aking SALN.”
Tugon ni Senior jogger: “Korek ka dyan katoto. Kung ikaw ay tiwali at timawang opisyal ng gobyerno, may malalaking mansiyon at mamahaling kotse, eh bakit mo bibigyan ng SALN ang publiko, eh ‘di nabisto ang marumi at nakaw na kayamanan mo!
-Bert de Guzman