MAKALIPAS ang anim na buwan ng COVID-19 pandemic na kumitil sa maraming buhay sa mundo, napaulat na balak ng Europe na subukan ang isang bagong estratehiya na tinatawag na “Lockdown Lite.”
Ilang bansa tulad ng Canada ang nag-ulat na ng ikalawang bugso ng pandemya, habang patuloy na tumataas ang kaso sa United States kasabay ng bilang ng pagkamatay na umabot na sa 200,000 nitong nakaraang linggo. Nasa gitna pa rin ang bakuna ng final Phase 3 trial at hindi ito inaasahang magiging handa bago ang Disyembre.
Patuloy na nananalasa ang impeksyon sa France, Spain, United Kingdon at iba pang mga bansa sa Europe, ngunit nais nilang maiwasan ang naunang ipinatupad na matinding mga restriksyon na nagdulot ng malubahang recession. Ngayon ipatutupad nila ang “Lockdown Lite” – partial at shifting lockdowns, na nakatuon sa mga local hot spots, tulad ng ilang magkakatabing bahay, nightclubs, o private parties, sa halip na buong rehiyon.
Sa bahagi ng Western Europe nitong nakaraang linggo, nagpatupad ang mga opisyal ng cracked down sa ‘nightlife’ at mga patitipon kasabay ng paghihigpit ng mga panuntunan sa pagsusuot ng face masks sa mga pampublikong lugar. Ipinag-utos sa UK ang pagsasara ng mga pubs at restaurant pagsapit ng 10 ng gabi. Sarado din pagsapit ng 10 n.g. ang mga bar sa Paris, France. Habang ipinatutupad din ang katulad na kautusan sa Madrid, Spain maliban sa mga hindi masyadong apektadong lugar kung saan pinapayagan ang pagbubukas ng mga establisyamento hanggang 1:30 ng umaga.
Sa Beijing, China, inabandona na rin ng pamahalaan ang estratehiya ng pagpapanatili ng milyon-milyong tao sa kanilang mga tahanan. Sa halip, isinara muna ng pamahalaan ang mga paaralan at ilang lugar kung saan mataas ang kaso, habang malaya ang mayorya ng populasyon na kumilos.
May katulad din na mungkahi para sa pili—sa halip na rehiyunal—na lockdown sa Pilipinas noon pang Abril. Ngunit ang buong Metro Manila, kasama ng iba pang rehiyon, ay itinuring bilang isang rehiyon na isinailalim sa iisang restriksyon. Kahit pa nga matatagpuan ang cluster ng mga kaso sa ilang piling lokalidad.
Marahil maaari natin ikonsidera ang bagong estratehiya ng selective lockdown na ipinatutupad ngayon ng mga bansa sa Europe. Isinara ang mga lugar na may bagong kaso, tulad ng mga restaurants at nightclubs; isang lokalidad, kung kinakailangan. Ngunit hindi buong siyudad, at lalong hindi buong rehiyon.
Ang ganitong estratehiya ay mangangailangan ng malaking pakikibahagi ng mga lokal na pamahalaan, partikular ng mga opisyal ng barangay. Kailangan nilang bantayan ang kanilang mga residente, siguruhin na lahat ay nakasuot ng face mask at walang pagtitipon ng maraming tao. Ang pagsisikap na ito ay dapat isabay sa mahigpit na tracing at testing.
Nananatili pa rin ang COVID-19 sa atin at malamang na tumagal pa ang ganitong sitwasyon, kahit pa masimulan na ang mass vaccination, na inaasahang sa 2021 mangyayari. Kailangang patuloy na isibuhay ng bawat isa ang pag-iingat—pagsusuot ng face masks at face shields, pagsunod sa physical distancing, at palaging paghuhugas ng kamay.
Maaaring pagtuunan ng mga lokal na pamahalaan, tulad sa Europe, ang selective lockdown– “Lockdown Lite.” Ngunit sa huli, nasa reponsibilidad pa rin ng bawat isa ang pag-iingat laban sa impeksyon sa pagpasok niya sa trabaho o pagkilos sa komunidad, at pag-uwi sa kanyang pamilya.