NANALO sana ng Emmy award ang pre-recorded speech ni Pangulong Duterte sa 75th session ng United Nations General Assembly (UNGA) na ginanap sa headquarters nito sa New York nitong Martes (Miyerkoles sa Maynila), ayon kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto. Kasi, aniya, maganda ang pagkakasulat nito at kapuri-puri. Pero, sa nilalaman ng talumpati ng Pangulo, nakatanggap ito ng magkahalong reaksyon. May bahagi itong, pinupuri, pero ang iba, binatikos. Ang common denominator: taliwas sa katotohanan.
“Ang award ay bahagi ng international law na hindi abot ng kasunduan at mga pabago-bagong gobyerno para palabnawin, bawasan at talikuran. Matigas naming tinatanggihan ang anumang pagtatangkang sirain ito,” wika ni Pangulong Duterte. Umani siya ng papuri sa kanyang sinabing ito. Ang award na tinutukoy ng Pangulo ay ang arbitral award na iginawad pabor sa Pilipinas ng Permanent Court of Arbitration in The Hague sa inaagaw ng China na teritoryo nito sa West Philippine Sea. Kung ano ang sinabi niya sa UNGA ay lihis sa pagtatrato niya sa award mula nang manungkulan siya. Katunayan, sa kanyang huling State of the Nation Address, inamin niyang “inutil” siya para ipursige ito. Naging tapat lang siya sa mga nauna na niyang ginawa na pagbabalewala sa award sa dahilang walang kakayahan ang bansa na makipagdigma sa China. Kapag ipinilit niya ito, aniya, mamamatay lang ang kanyang mga sundalo. Naging bingi siya sa mga panawagan ng mga iba na makipagalyado sa mga ibang bansa na may interes din sa karagatan na sinasakop ng China. Ngayon, sa kanyang recorded speech sa UNGA, pinupuri niya ang mga ibang bansa na ipinaglalaban at sinusuportahan laban sa China ang napanalunang arbitral award ng Pilipinas.
Pero, binatikos ang Pangulo dahil hindi naging katanggap-tanggap ang inihayag niya sa UNGA hinggil sa isyu ng karapatang pantao at pagdepensa niya sa kanyang war on drugs. Ang may kasalanan pa ay ang mga nananawagang igalang niya ang karapatang ito sa pagpapairal niya ng kanyang madugong programa. Kaya, ang may kasalanan pa ay ang mga taong tulad nina Sen. Leila Delima, Chief Justice Sereno at ang mga human right lawyers at advocates, taong simbahan na tumutol at sumalungat sa ginawa niyang ito. Ayon sa Pangulo, maraming grupong may sariling interes ang nag-weaponized ng human rights at nagtangkang sirain ang mga nagtatrabahong institusyon at mekanismo ng Pilipinas na may popular na gobyerno at patuloy na nagtatamasa ng malawakang suporta. “Ang mga naninirang ito ay nagpapanggap na mga human rights advocate samantalang sinasamantala ang kahinaan ng tao; ginagamit kahit mga bata bilang sundalo at panangga sa mga nagaganap na labanan. Maging ang mga eskwelahan ay hindi pinaliligtas ng kanilang masamang hangarin at propaganda laban sa gobyerno. Itinatago nila ang kanilang maling gawa sa blanket ng human rights pero tumatagos naman dito ang dugo,” wika pa ng Pangulo. Pero, sabi naman ni National Union of People’s Lawyers Edre Olalia, “Ang administrasyon ni Duterte ang nagweaponized ng batas laban sa mga human rights advocates, defenders at journalist. Talagang nilinlang niya ang kanyang sarili.”
Pero, kung totoo ang kanyang sinabi sa UNGA at naniniwala siyang totoo, bakit hinadlangan niya ang pagnanais ng mga UN experts at investigators na magtungo sa Pilipinas para magimbestiga? Bakit kumalas siya sa Roman Statute nang siya ay ihabla na sa International Court of Justice sa salang crime against humanity? “Cheap talk,” ang puna ni Asia Director of Human Rights Watch Phil Robertson sa bahaging ito ng talumpati ng Pangulo hinggil sa karapatang pantao at ang pagdepensa niya sa kanyang war on drugs.
-Ric Valmonte