MATAGAL nang nagbababala ang mga siyentista na ang tumataas na temperature ng mundo ay lumilikha ng mas mapaminsalang mga bagyo habang tumutunaw rin ito ng mas maraming yelo sa polar region. At nagiging mas mainit ang mundo dahil sa mga carbon emission na ibinubuga sa atmospera ng mga pabrika mula sa mga industriyal na bansa.
Nitong Lunes, sinabi ng Oxfam na lumabas sa bagong pag-aaral na responsable ang ‘richest 1 percent’ ng populasyon ng mundo nang higit doble ng carbon polusyon ng kalahati ng mahihirap na populasyon. Binubuo ang pinakamahihirap na ito ng 3.1 bilyong tao na karamihan ay naninirahan sa mga liblib na bahagi ng mundo.
Isiniwalat ng Oxfam ang bagong natuklasan ng Stockholm Environment Institute, na may lumalawak na “carbon inequality” sa mundo sa kasalukuyan. Karamihan ng polusyon ay nanggagaling sa dalawang pinaka industriyalisadong bansa sa mundo—ang United States at China. Sa kasamaang palad para sa atin, ang kanilang carbon emission ay hindi nananatili sa kanilang bansa; kumakalat ito sa ibang mga bansa. At ang tumataas na init na kanilang nililikha ay kumakalat din sa buong mundo.
Tinutunaw ng init na ito ang mga icebergs sa poles, na nagdudulot ng pagtaas ng lebel ng karagatan, na nagdadala naman ng panganib sa mga mabababang isla sa mundo, kabilang tayo rito sa Pilipinas. Lumilikha rin ang init na ito ng mas malalakas at mapaminsalang mga bagyo.
Mismong ang US ay makailang ulit na sinalanta kamakailan ng mga hurricane, dalawa rito ang nagdulot ng malaking pinsala at pagkamatay sa Louisiana. Habang isa pang panibagong bagyo ang nagbabanta ngayon sa Texas. Samantala, nananalasa ngayon sa California ang malawak na forest fires, na idinulot na rin ng mas mainit na panahon. Sa timog, matinding pinsala ang dinala ng mga sunog sa Amazon forest sa Brazil.
May matinding ‘di pagkakapantay-pantay sa ekonomiya sa mundo ngayon at nagdudulot ito ng lumalawak na “carbon inequality”, na nagdudulot naman ng matinding pagbabago sa panahon na nakaaapekto sa lahat ng bansa sa mundo, mayaman man o mahirap.
Sa 2015 Paris climate conference, nagsumite ang bawat bansa ng kanilang indibiduwal na plano upang mabawasan ang carbon emission, ilan sa pamamagitan ng higit na paggamit ng renewable energy bilang kapalit ng coal at gas na nagdudulot ng matinding polusyon. Umaasa tayo na lahat ng mga bansang ito, kabilang tayo, ay higit pang magsisikap upang maisakatuparan ang kanilang plano at mga pangako