IBA talaga ang imahinasyon ng mga corrupt na opisyal sa Bureau of Corrections (BuCor) at New Bilibid Prisons (NBP) kung ang pag-uusapan ay paano gumawa ng delihensiya mula sa mga detainee, lalo pa’t kabilang ang mga ito sa tinatawag na “high profile inmates” o ‘yung mga sangkot sa ilegal na droga.
Alam nila kasi na maraming pera – siyempre galing sa ilegal na pamamaraan na naka-safety lang sa bahay o trusted na kamag-anak – kaya ginagawa ng mga crooked na opisyal na palabigasan ang mga detainee na ito, animo’y bangko na pwedeng mag-withdraw anumang oras na mangailangan sila.
Ang ilan lamang sa naiibang pinagkakakitaan sa NBP – mga nasubaybayan ko mula ng maging mamamahayag ako sa loob ng apat na dekada – ay gaya nang mga ito: Pagpapalabas ng detainee upang mag-holiday ng ilang araw o kaya naman ay gumawa ng “bayad na krimen”; pagpasok ng kontrabandong alak, droga, prostitusyon at cellphones; pagbibigay ng maluwag na uri ng pamumuhay sa “oblo” katumbas ng buwanang padulas; milyones na bayad para masama sa mabibiyayaan ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law; at maging nitong pandemic, pati ang COVID-19 ay pinagkakitaan, kaya nabuo ang bagong salita sa loob -- “nakobid sa loob ng bilibid”.
Ang pinakabago – ayon sa ilang PM (private message) na natanggap ko – ay ang pagsasabi sa detainee na may malubhang sakit ito at kailangan ng malaking halaga upang ‘di na lumala at gumaling agad. Dagdag pa rito ang doctor’s fee, pambili ng gamot at “kuwarto sa ospital” na pagdadalhan dito habang nagpapagaling.
Ganito ang “modus operandi” ng mga opisyal na ito: Patatawagin sa kanyang pamilya ang detainee sa pamamagitan ng cellphone – bawal ito sa loob kaya may-bayad agad ang paggamit nito – para manghihingi ng pera, na maliit muna sa umpisa pero lumalaki habang lumalala raw ang sakit.
Paglilinaw lang – ‘di ito COVID-19 bagkus ay pangkaraniwang sakit lamang na maaari rin daw ikamatay kapag napabayaan!
Sampol ng PM na nagrereklamo: “Sir, may brother po kasi ako sa bilibid. Nagkaroon daw siya ng emergency sabi niya sa chat. Kailangan niya ang pera para sa ospital at doctor, tuwing pupunta raw sa ospital kailangan ang 15k para sa injection then, other fees pa bayad sa doctor at escort para lumabas, kaya kada lakad abot ng 100k ang gastos namin. Ipinadadala ko ‘yung pera sa bank account. Hindi naman niya masabi kung ano ‘yung gamot at ano sakit niya.”
Ang matindi ay hindi pwedeng hand-carry lang ang pera. Bawal pa raw ang dalaw sa NBP kaya sa bank account lang na ibinigay sa kanila ipinapasok ang pera.
Ang tanong ng nag-PM: “Ganoon po ba talaga ang nangyayari sa loob ng Bilibid kapag may sakit ang detainee? Palaging may lagay. Kasi po nahihirapan na family namin na mag-sustain sa kanya sa loob at ‘di na namin alam kung ano ang gagawin. Ano po ang dapat naming gawin para malaman ang katotohanan? Bakit po ganoon sa loob?”
Heto ang pahabol nung isang araw lang: “And today, nanghihingi po ulit sa akin ng 20k dahil may paraphernalia raw po na nakita sa labas ng pinto ng kubol n’ya po. At para hindi ma-add up sa case niya, maglagay daw po kami ulet...nagmamakaawa po siya sa amin!” “Por dios por santo” naman, ang mga opisyal na ito sa NBP at BuCor. Walang kadala-dala kahit na sunud-sunod na nasasalang sa imbestigasyon sa Senado at Kamara – pero teka muna, ano na nga ba ang nangyayari sa mga imbestigasyon hinggil sa korapsyon sa mga tanggapan na ito?
May naririnig pa ba kayo – ako kasi parang wala na eh!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.