TILA hindi pa sapat ang pagkakaroon ng mga rebolusyonaryo, sa nakalipas na mga taon, tinawag ng pamahalaan ang mga overseas Filipino workers bilang mga ‘makabagong bayani’ (modern-day heros), at nito lamang nakalipas na mga buwan, tila isang udyok, ay bigla namang bumaling ang atensiyon sa mga healthcare frontliners sa pagkilala sa kanila bilang mga ‘bagong bayani’ (new heroes).
Walang masama sa pagbubunyi sa mga tao na nag-aambag nang malaki sa kapakanan ng bansa kung katumbas ng pagkilalang ito sa kanila ay mas magandang buhay. Ngunit sa katunayan kabaliktaran pa ito. Sa halip na makuha ang pinakamagandang benepisyo mula sa mga papuring itinambak ng mga tao sa pamahalaan, diskriminasyon at abuso ang kanilang kinahinatnan.
Sa matagal nang panahon, malaki ang naiaambag ng mga OFW sa katatagan ng ekonomiya ng bansa, partikular sa foreign exchange reserves, sa pamamagitan ng mga remittances na ipinapadala nila sa kanilang mga pamilya mula sa bansang kanilang pinagtatrabahuhan. Ngunit ang ginawang pagtrato sa kanila sa panahon ng pandemya sa gitna ng repatriation ay kapoot-poot. Kung saan-saan sila ipinasa at marami sa kanila ang tinrato ng tila walang halaga at kaawa-awang nilalang.
Mas naramdaman ang kanilang diskriminasyon sa paraan kung paano sila pinayagang makakuha ng benepisyong pangkalusugan at ekonomiya. Matapos mawalan ng trabaho at maubusan ng kanilang ipon dahil sa ilang linggong quarantine, tanging rason na ibinigay sa kanila ay mga palusot, sa pagsasabing ginagawa naman ang lahat upang matugunan ang kakulangan ng maayos na matutuluyan, serbisyong kalusugan, pagkain, at tulong-pinansiyal.
Sa kawalan ng maayos na paggabay ng pamahalaan, marami sa mga ‘makabagong bayani,’ na walang mapuntahan at miserable na, ang naloloko at dumaan sa nakahihiyang karanasan.
Katulad na kapabayaan at abuso ang naramdaman din ng mga healthcare frontliners na umabot na sa punto ng pagpapahayag ng kanilang hinaing laban sa mga walang kibo at kung minsa’y magulong pamamahala. Sa kabutihang palad, bagamat nahuli, yumuko ang Palasyo sa kanilang hiling at tinanggap ang kanilang mga panawagan upang maipatupad ang mas mahigpit na quarantine measure upang mapigilan ang tuluyang pagkalat ng pandemya.
Gayunman, hindi pa rito natatapos ang lahat. Nang humingi ng pahintulot ang mga nurses na may selyadong kontrata upang makaalis patungong abroad bilang pagtupad sa kasunduan, tumindig at hinarang sila sa pag-alis ng mga opisyal na nagmamalakad ng krisis, partikular ang nasa ahensiya ng labor, health at immigration. Tila nagulat, nag-ayos ang inter-agency task force at nahabag matapos sabihan na may bulto ng mga medical workers sa bansa, na mayorya ang walang trabaho o underemployed.
Mahirap maunawaan kung paano binibigyang kahulugan ng pamahalaan ang kabayanihan. Ang malinaw para sa maraming Pilipino –anumang pagkilala na ibinibigay sa isang sektor ay hindi tumutumbas ng anumang kagandahan.
Sa halip, anumang papuri ay maaaring tingnan bilang lisensya ng pag-abuso, na naramdaman at dinanas ng mga OFW at mga nurses kamakailan.
Ang mga bayani ay dapat na kagalang-galang. Ngunit sa paraan kung paano tratuhin ang magigiting na indibiduwal na ito ng ating mga lider na nagpakilalang kinatawan ng mga tao, para silang utusan, na humuhubog sa kanilang trabaho bilang pundayon ng kalusugan at ekonomiya ng bansa na isang bigong tunguhin.
-Johnny Dayang