MAY nakagugulat na ulat si Tourism Secretary Berna Romulo Puyat sa House of Representatives Committee on Appropriation nitong nagdaang Huwebes. Nasa 77 porsiyento ng mga Pilipino ang nagsabing nais nilang maglakbay kahit pa nagpapatuloy ang COVID-19 pandemic, ayon sa survey na isinagawa ng ahensiya.
Sa kabila ng pandemya, na nakaapekto nang malaki sa buhay ng maraming biktima, sa kabila ng pagsasara ng napakaraming mga negosyo at opisina, sa kabila ng restriksyon sa paggalaw ng mga tao, naglalarawan ang nasabing survey ng optimismo na nananatiling matatag sa ating mga mamamayan.
Ipinakikita ng survey na sa pinakamahihirap na panahon sa buhay ng bansa, marunong pa ring magpahalaga ang mga Pilipino sa positibong bahagi ng mga bagay. Hindi man sila makapunta sa ibang lugar sa ilalim ng mga nagpapatuloy na lockdown, ngunit nang tanungin sila: If they can, would they travel to other parts of the country at this time? At mayorya ang nagsabing maglalakbay sila.
Marami marahil ang walang kakayahang gawin ito, hindi ang extrang pera na kailangan para makapunta sa ilang tourist spot, ngunit pupunta ba sila kung may kakayahan sila? Malinaw ang positibong papanaw ng mga Pilipino na lumabas sa survey ng Department of Tourism survey – 77 porsiyento– halos walo sa bawat sampung tao—ang sangsabing, oo, gagawin nila.
Lumabas ang impormasyong ito habang dinedepensahan ni Secretary Puyat ang P3.5 bilyong budget ng kanyang ahensiya para sa 2021 sa National Appropriation bill na ngayo’y inihahanda na para sa susunod na taon. Maaasahan natin na malaking bahagi ng pambansang budget ang mapupunta para sa pagbangon ng ekonomiya. Napakaraming negosyo ang nagsara sa nakalipas na anim na buwan at kinakailangan nila ang tulong ng pamahalaan upang makabangon at maipagpatuloy ang kanilang kontribusyon sa Gross Domestic Product ng bansa.
Maraming mga bansa ang nagsara ng kanilang mga border sa mga banyaga sa takot na dala ng COVID-19. Kaya naman nagdurusa ng matindi ang turismo sa mundo at inaasahang patuloy na magdurusa lalo’t may mga patunay na maaaring mahawa sa virus ang mga naglalakbay sakay man sila ng eroplano o sa mga paliparan. Maging si Cardinal Archbishop Luis Antonio Tagle na malusog nang umalis sa Roma, ay nagpositibo sa COVID-19 nang dumating siya sa ating paliparan.
Gayunman, tila ang takot na nakadikit sa mga dayuhang paglalakbay ay hindi pa humahawa sa lokal, lalo na kung pagbabatayan ang survey ng Departmen of Tourism. Hindi masyadong nagdurusa ang air travel sa loob ng bansa kumpara sa international travel. Kaya naman tiwala ang industriya ng turismo na isa ito sa mangungunang sektor para sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa.
Nakapagbukas na ng bahagya ang Boracay Island at Baguio City. Ito at ang iba pang lokal na tourist destination ang makatutulong nang malaki para sa inaasahang national recovery program.