LAKE BUENA VISTA, Florida (AP) — Walang magaganap na walisan sa Eastern Conference finals. At iyan at tiniyak ng Boston Celtics.
Nakaalpas sa kumunoy na kabiguan ang isang paa ng Celtics nang palamigin ang opensa ng Miami Heat tungo sa 117-106 panalo sa Game Three ng best-of-seven finals nitong Biyernes (Sabado sa Manila).
Hataw si Jaylen Brown sa naiskor na 26 puntos, habang kumana si Jayson Tatum ng 25 puntos at tumipa si Kemba Walker ng 21 puntos mpara matapyas ang bentahe ng heat sa 1-2.
Nag-ambag si Marcus Smart ng 20 puntos, tampok ang 9 for 9 sa foul line sa final period. Nadomina ng Celtics — nakakuha rin ng 14 rebounds at walong assists kay Tatum — ang Miami 60-36 sa iskoran sa loob at nakaabante sa pinakamalaking 20 puntos.
Tangan ng Celtics ang 39% shooting.
Nanguna si Bam Adebayo sa Heat na may 27 puntos at 16 rebounds, habang nagsalansan sina Tyler Herro ng 22 puntos, Jimmy Butler na may 17 puntos at Duncan Robinson na may 13 puntos.
Bumalikwas ang Heat mula sa 14 puntos na paghahabol sa Game One tungo sa overtime win, habang naalpasan nila ang 17 puntos na bentahe ng Celtics sa Game Two. Sa Game Three, hindi na nakabawi ang Heat.