ISA sa mga epektong dala ng COVID-19 pandemic at lockdown ay ang pagkagambala sa salik ng trabaho. Lumabas sa July 2020 National Mobile Phone Survey ng Social Weather Stations (SWS) na umabot sa 45.5% ang adult unemployment, nasa 28 pagtaas mula sa kanilang December 2019 survey bago manalasa ang coronavirus.
Inilalarawan din ng opisyal na datos ng pamahalaan ang malupit na katotohanan. Iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na para sa buwan ng Hulyo 2020 nasa 10% ang unemployment sa bansa na kumakatawan sa tinatayang 4.5 milyong Pilipinong walang trabaho. Ang bilang na ito ay dumoble sa 5.4% na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon ngunit mas mababa sa naitalang 17.7% nitong Abril. Tiyak tayong mapapahupa ng unti-unting pagbubukas ng ekonomiya ang unemployment rate sa bansa.
Bagamat nananatiling positibo ang mga economic managers na huhupa ang unemployment rate sa 6%-*% sa susunod na taon sa inaasahang pagbangon ng ekonomiya, hindi maitatanggi na maraming Pilipino ang nawalan ng kanilang pinagkakakitaan dahil sa pandemya. Ngunit tulad din sa maraming kaso, maaaring maging oportunidad ang mga pagsubok. At naniniwala ako sa resilient at persistent ng mga Pilipino. Walang anumang krisis o pandemya ang makapagpapatumba sa mga Pilipino.
Dahil sa umemployment maraming mga Pilipinong manggagawa ang napilitang baguhin ang kanilang sarili at pasukin ang pagbabago ng career. Sa halip na subukang makuha muli ang kanilang dating trabaho sa parehong larangan, maraming mga manggagawa ang nagdesisyong lumihis ng direksyon. Nakatatakot ito para sa ilan sa maraming rason.
Isa dahilan kung bakit nakatatakot ang pagbabago ng career ay ang kawalan ng katiyakan at mahirap hulaan ang lahat ng ito. Ano ang gagawin ko? Paano ako magtatagumpay sa isang trabahong wala akong karanasan? Paano kung mabigo ako? Siyempre natural lamang ang mga pagdududang ito. Lahat tayo ay naghahangad ng katatagan at status quo. Ngunit sa karamihan ng kaso mabuti ang mga pagbabago lalo na kung nagbabago rin ang sitwasyon sa paligid mo. At sa palagay ko’y isang malinaw na halimbawa ang pandemyang ito ng isang malaking pagbabago na gumimbala sa ating lahat.
Naaalala ko nang magdesisyon akong magpalit ng career mula sa pagiging isang empleyado ng isang accounting firm para maging entrepreneur—iniwan ko ang aking posisyon sa SGV & Co. para mag-deliver ng mga seafoods sa mga opisina sa Makati. Hindi naman ito partikular na mahirap na pagbabago lalo’t isa na akong entrepreneur sa murang edad. Ngunit nandiyan pa rin ang lahat ng mga alinlangan. Sa aking karanasan, ang pinakamainam na paraan upang burahin ang mga pagdududa ay pasukin ito. Mawawala ang tagumpay mo kung papasok ka sa isang bagong karera ng may pag-aalinlangan.
Isa pang rason kung bakit nakatatakot ang pagbabago ng career ay dahil nangangailangan ito ng ‘retooling’ at pagbabago ng pananaw. Tunay ito lalo na para sa isang naging empleyado ng matagal na panahon. Ang paghahanap ng bagong abilidad ay mahirap ngunit nakasasabik. At dapat mong yakapin ang pakiramdam ng pag-aaral ng bagong abilidad o paghahanap ng bagong ideya at konsepto. Minsan ibinibigay sa atin ang pagsubok at kailangan lamang natin samantalahin.
Nabibilib ako sa kung paano nagdedesisyon ang maraming Pilipino ng pagbabago sa kanilang career ngayong panahon ng pandemya. Nababasa ko ang tungkol sa mga piloto at flight attendant na lumipat sa pagbebenta ng pagkain at iba pang produkto, mga mang-aawit at iba pang entertainer na nagluluto ng pagkain sa halip na bumubuo ng kanta at mga guro na luluto at nagtitinda ng manok sa halip na nagsusulat sa blackboard.
Ngunit partikular, labis akong natutuwa sa mga dating empleyado na pumasok sa pagnenegosyo upang kumita sa gitna ng panahon ng kawalang-katiyakan. Naniniwala akong isa itong “blessing in disguise,” na magpapahintulot sa atin na lumikha ng bagong lupon ng mga Pilipinong entrepreneurs. Naniniwala rin akong ang mga micro at small businesses na ito ang isa sa magiging pangunahing karakter sa pagbangon ng ating ekonomiya.
Masakit ang mawalan ng trabaho, ngunit hindi ito ang katapusan. Sa katunayan, sa maraming paraan isa itong oportunidad para sa pagbabago. Magbibigay ito sa atin ng pagkakataon upang buhayin ang iyong passion at energy. Minsan natatakpan ng pagpapatuloy an gating talent at itinatago nito ang iba pang ruta para sa mas magandang buhay. Isa itong oportunidad upang tahakin ang ‘di karaniwang daan.
-Manny Villar