NANAWAGAN si United States Secretary of State Mike Pompeo sa sampung mga kasaping bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa unang bahagi ng buwang ito na manindigan sa China sa kanilang mga pagtatalo sa teritoryo sa South China Sea at maaasahan nila ang suporta ng US.
Kalmado ang tugon ng ASEAN sa panawagan ng US. “We don’t want to get trapped by this rivalry,” sinabi ni Indonesian Foreign Minister Retno Marsudi. Ang mga estadong kasapi ng ASEAN ay nag-isyu ng magkasamang pahayag na mayroon nang progreso sa mga negosasyon upang makagawa ng isang Code of Conduct sa South China Sea na naaayon sa internasyunal na batas, kasama na ang United Nations Convention on the Law of the Sea.
Pangarap ni Pangulong Rodrigo Duterte ng Pilipinas at President Xi Jinping ng China ang pagguhit ng naturang Code of Conduct sa South China Sea nang sila ang namuno bilang co-chairman ng ASEAN-China Summit dalawang taon na ang nakalilipas sa Beijing.
Napagkasunduan nila ang 2021 bilang target na taon para sa pagkumpleto ng mga pag-uusap at paglagda ng isang China-ASEAN Code of Conduct. Sinabi ni Pangulong Duterte sa 33rd ASEAN Summit noong Nobyembre, 2018, na isinasagawa ang mga pagsisikap para sa maagang pagtatapos ng isang kasunduan.
Napagtanto ng mga bansang ASEAN, kahit na ang pinakamilitante, na ang kanilang iba`t ibang pagtatalo sa mga isla at iba pang mga teritoryo sa South China Sea ay hindi maaaring ayusin sa pamamagitan ng pamamaraang militar. Nagpatuloy ang kanilang kooperasyon hindi lamang sa pagbalangkas ng isang Code of Conduct kundi pati na rin sa mga hakbangin sa ekonomiya, tulad ng oil at gas joint venture ng Pilipinas sa China, na may 60-40 na pagbabalik sa mga pamumuhunan, pabor sa Pilipinas.
Ang ASEAN ay naging pinakamalaking kasosyo sa kalakalan ng China sa unang isang-kapat ng 2020. Pinakamabilis ang pagbangon sa hanay ng mga bansa sa daigdig mula sa pandemya ng COVID-19, nagawa ng China na makamit ang 3.2 porsyento na paglago ng ekonomiya nito sa unang isang-kapat ng 2020, habang ang US, ang Europe, at iba pang mga bansa ay nagdurusa sa pagbagal ng ekonomiya.
Sa harap ng napakaraming magkakasalungat na paghahabol sa South China Sea, maliwanag na ang negosasyon ay ang tanging paraan upang malutas ang mga pagkakaiba at ang Code of Conduct ay isang pangunahing bahagi ng pagsisikap na maabot ang kasunduan at kooperasyon sa lugar.
Ang Pilipinas ay may mahalagang papel sa mga pagsisikap na ito. “As Country Coodinator of ASEAN-China Dialogue Relations until 2021, we are committed to the conclusion of an effective Code of Conduct,” sinabi ni Pangulong Duterte nang magkasama sila ni President na namuno sa pagsisimula ng mga negosasyon noong 2018.
Ang target para sa pagkumpleto at pagpirma ng kasunduang iyon ay 2021 - sa susunod na taon - at hindi ito dapat magambala ng anumang mga bagong panawagan para sa komprontasyon sa South China Sea.