MAY namamayaning bulungan sa loob ng mga kampo militar, lalo na rito sa Camp Aguinaldo sa Quezon City, matapos na bumandera ang balitang nag-courtesy call si Vice President Leni Robredo sa bagong upong Armed Forces Chief of Staff Lt. Gen Gilbert Gapay nitong nakaraang Martes.
Parang nakakaintriga tuloy ang ilang narinig kong komento mula sa ilang junior officer sa AFP at maging sa ilang miyembro ng Philippine National Police (PNP) sa naganap na paghaharap at maikling kuwentuhan nina VP Leni at CSAFP Gapay. Karamihan kasi sa kanila – parang may naaaninag akong nakakubling ngiti sa mga labi!
Naitanong ko tuloy sa sarili – may kakaiba ba sa pangyayaring ito? Parang wala naman eh, maliban lang sa mga nagdaang naging pinuno ng AFP, wala yata akong natatandaan na personal na pinuntahan at nakipag-usap si VP Leni.
Eh kasi naman, mismong si VP Leni na rin ang agad na nagsabi – para mabasag ang anumang tsismis na animo’y bula na nagsusulputan – na ginawa niya ang pagbisita kay CSAFP Gapay, upang personal na batiin sa promotion nito sa pinakamataas na posisyon sa AFP. ‘Di kasi siya nakadalo sa turnover of Command ni Gapay noong Agosto.
Ipinarating din ni VP Leni kay Gapay ang kanyang pasasalamat sa mga miyembro ng 51st Engineer Brigade ng Philippine Army (PA) na walang pagod sa pagtulong sa kanyang opisina, sa iba’t ibang proyekto nito sa buong bansa.
“I also took the opportunity to thank the AFP for being a dependable partner in our various initiatives, especially those in line with our COVID-19 response,” ani VP Leni.
Naging kaagapay ng opisina ni VP Leni ang AFP sa mga proyekto nito – pagtatayo ng mga IKEA shelters, mga pansamantalang tuluyan para sa mga medical frontliners ng Lung Center of the Philippines at Quirino Memorial Medical Center.
Nagtayo rin ang OVP, na katuwang pa rin ang AFP, ng mga quarantine areas sa Chinese General Hospital at Manila Doctors Hospital sa gitna ng pananalasa ng COVID-19 pandemic.
“Various units of the AFP have also been helping us bring assistance, such as PPE sets, locally produced protective suits, and medical supplies, to different parts of the Philippines, especially to far-flung communities,” dagdag ni VP Leni.
Idagdag pa rito ang pagtulong ng buong security detachment na nakatalaga sa OVP sa COVID-19 Response Operations ng opisina, lalo na sa pagbibigay ng “free shuttle service for frontliners” sa Metro Manila at Cebu City.
Pero sa kabila nang napakalinaw na pahayag na ito mula sa OVP – ‘di pa rin mapigil ang mga bulung-bulungan na nagbibigay ng ibang kulay at kahulugan sa naging pagbisitang ito ni VP Leni sa AFP, GHQ.
Basta ang gusto ko lamang sa bulungan na ito mula sa mga batang opisyal ng pulis at militar na ‘di ko maiwawaksi sa aking isipan – dahil parang narinig ko na rin ito noon at siya namang namayani -- ay ang mga salitang: “Ang inyong AFP ay magiging tapat sa ating konstitusyon kahit ano pa ang mangyari!”
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.