MULA’T sapul, ang isang metrong physical distancing ay pinairal ng Inter-Agency Task Force Against Infectious disease (IATF), sa layunin ng gobyernong maiwasan ang pagkalat ng coronavirus. Ito ang distansiyang inerekomenda ng World Health Organization. Kapag magkakadikit ang mga tao malamang magkahawaan ng sakit. Pero, nitong nakaraang Biyernes, inanunsiyo ng Department of Transportation (DoTr) ang pagluluwag ng nasabing tuntunin. Ang bagong physical distancing sa mga pampublikong sasakyan ay unti-unting babawasan sa 0.5 metro pagkatapos ng dalawang linggo at 0.4 metro sa susunod na dalawang linggo. Ayon kay DoTr Undersecretary Artemio Tuazon, pinakinggan lamang ng ahensiya ang panawagan ng mga Pilipino na palawakin ang kapasidad ng mga pampublikong transportasyon. Ang desisyon ng DoTr ay nakabase sa pagaaral ng International Union of Railways na nagpapakitang ang pagkalat ng coronavirus ay hindi nagbubuhat sa mga pampublikong sasakyan lalo na ng tren.
Ang problema, pinalagan ito nitong Lunes ng medical community. Palulubhain lamang daw ang coronavirus infections, lalo na kailangan pang makita ng bansa ang makahulugang pagbaba ng mga COVID-19 cases. Matindi ang pagtutol dito sa pagbabawas ng 1 meter-physical distancing ng mga nasa medical sector. “Ang kritikal na mensahe ay ang virus ay naririto pa. Naghihintay lang ito ng pagkakataong kumalat. Kailangan ang liderato ng Department of Health (DOH). Panahon na makinig tayong lahat sa DOH. Hindi natin kayang gumawa ng mga bagay sa sarili lamang natin at maging magaling sa isa’t isa. Ang kailangan natin ay pagkakaisa at ang DOH ay dapat manguna,” wika ni Philippine College of Physicians Vice-President Dr. Maricar Limpin.
Hindi lang ito ang mga nagbubungguang tuntunin ang mararanasan ng taumbayan. May mga susulpot pa at kapag ganito ang nangyari, na nagaganap na nga sa isyu ng physical distancing, malayo na magwawakas ang problema ng bayan sa pandemya. Kung sinasadya ito upang malihis ang paningin ng taumbayan sa tunay na isyu, mahirap ito mangyari. Dahil nakakawing dito ang talagang problema ng bansa, ang kakayahan ng Pangulo na pamunuan ito lalo na sa hinaharap nitong krisis. Wala sa gitna ng gulo ang Pangulo. Bukod sa bihira siyang makita ng mamamayan, wala siyang road map na ipinasusunod at tinutupad ng mga naatasan niyang mangangasiwa sa paglutas ng problema. Sa kanyang mga huling recorded talks to the nation, ang ginagawa lamang niya ay makinig sa mga ulat at rekomendasyon ng kanyang mga tauhan na sila mismo ang gumagawa ng mga tuntunin at protocol. Eh ang reklamo ng mga negosyante, medical sector at maging ang mga tinatawag niyang “dilawan” at oposisyon ay walang komprehensibong programa ang IATF sa paglaban sa pandemya. Nasabi nila ito dahil maliwanag na ang nakikitang mga remedyo na pinaiiral nito ay patapal-tapal lamang. Paano naman kasi, mga problemang pangkalusugan at pang-ekonomiya ang krisis, pero mga sundalo at pulis ang namumuno ng labanan para bang nakikita ang kalaban at magagapi ito sa bala. Ang higit na hindi katanggap-tanggap ay may mga tuso at walang malasakit sa kapwa na ginagawang minahan ng ginto ang pandemya.
-Ric Valmonte