NAG-AAMBAG ang sektor ng agrikultura ng tinatayang sampung porsiyento sa Gross Domestic Product (GDP) ng bansa ngunit ang bahagi lamang nitong nakukuha sa national budget sa nakalipas na 10 taon ay kakarampot na tatlo hanggang limang porsiyento, pahayag ni Secretary of Agriculture William Dar sa ginanap na virtual hearings ng House of Representatives Committee on Agriculture and Food.
Sa pagtinging ito, iminungkahi niya ang budget na P284.4 billion para sa 2021, halos 256 porsiyentong pagtaas mula sa 2020 budget na P79.9 billion – P55.9 billion para sa rice sub-sector, P6.6 billion para sa mais, P13.7 billion para sa high-value crops, P11.2 billion para sa livestock, P22.5 billion para sa fisheries, P960 million para sa organic agriculture, at P3 billion upang suportahan ang iba pang programa.
Ito ay nitong Hulyo, apat na buwan matapos ipatupad ang lockdown sa pananalasa ng COVID-19 sa bansa at sa buong mundo. Sa pagpapatupad ng emergency, kailangang maglabas ng pamahalaan ng malaking pondo upang mapanatili ang takbo ng ekonomiya, kabilang ang pagtulong sa mga mahihirap nating kababayan na nawalan ng kanilang kabuhayan at pagkakakitaan.
Pinagtibay ng Kongreso ang isang stimulus law, ang Bayanihan to Recover as One Act, na may budget na P140 billion. Humingi ang Department of Agriculture ng P66 billion para sa pag-asang mapataas ang produksiyon ng pagkain, pagtatayo ng mga food market, at pagbuo ng cash-for-work program sa sektor ng agrikultura, ngunit tanging P17 bilyon ang ibinigay sa ahensiya.
Inihahanda na ngayon ng kongreso ang national budget para sa 2021 at maraming mambabatas, na batid na ang agrikultura ang isa sa pangunahing salik sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa, ang nagsusulong ngayon ng mas malaking pondo para sa DA gayundin para sa Department of Agrarian Reform (DAR).
Binanggit nina Deputy Speaker at Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte, kasama sina Quezon Rep. Wilfrido Mark Enverga, pinuno ng House Agriculture Committee, at Ang Magsasaka partylist Rep. Argel Cabatbat, ang pangangailangan na mapondohan ang mga programa ng DA at DAR upang matulungang makabangon ang bansa mula sa epektong dala ng pandemya.
“If there is one thing that the ongoing global health crisis has taught us, it is the primacy of self-sufficiency, as countries isolate themselves and shutter their businesses in a frantic bid to prevent the spread of a highly infectious pathogen that has sickened more than 27 million people and killed over 900,000 around the globe,” pahayag ni Villafuerte.
Bago ang pandemya, naghahanap lamang si Secretary Dar ng mas malaking tungkulin ng agrikultura sa ekonomiya ng bansa. Malaki na ang ipinagbago ngayon ng mundo, maraming bansa ang nagbawas ng kalakal at iba pang ugnayan sa ibang bansa dahil sa takot na dala ng COVID-19 dagdag pa ang malaking pagkalugi sa ekonomiya.
Tulad ng binigyang-diin ni Congressman Villafuerte, posibleng dumipende tayo nang malaki sa ating sariling resources sa mga susunod na buwan at taon, partikular sa pagkain ng mga mamamayan. Kailangang siguruhin ng ating mga lider na kayang gampanan ng ating sektor ng agrikultura ang tungkuling ito, na masisimulan sa paglalaan ng mas maayos na pondo sa national budget.