KAHIT sino man yatang opisyal ng militar at pulis ang makausap ko ay ‘di naniniwala na malaking security risk sa ating pamahalaan, ang pagpapahintulot sa China-owned “third telco” na mas kilala sa tawag na kumpaniyang DITO Telecommunity Corporation, na makapagtayo ng mga communication tower sa loob at labas ng mga kampo sa buong bansa.
Halos iisa ang tono ng katuwiran ng mga ito na ilalagay lamang ang tower sa lugar na kinatatayuan din ng dalawa pa nating telco na kakumpitensiya ng DITO. Kung doon sa naunang dalawa ay nagtiwala tayo, bakit naman hindi raw sa “third telco”?
Lahat na lang sila, sa wari ko’y nagbubulag-bulagan o patay malisya sa halatado naman na may nakapaloob na “sinister objective” ang China sa pagtatayo ng cell site sa mga kampo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP)..
Sang-ayon ako sa panukala ng ilan nating mambabatas sa Senado, na napapanahong imbestigahan nila ang masalimuot na kasunduang ito, sa pagitan ng pamahalaan at ng DITO -- na magtayo ng mga cell sites tower sa loob ng mga kampo.
Ani Senator Riza Hontiveros ay hihilingin na niya sa Senate committee on national defense na pinamumuan ni Senator Panfilo “Ping” Lacson, na umpisahan na ang pagdinig sa Senate Resolution No. 137 na isinampa nito noong Setyembre 2019.
“We, in the Senate, should exercise our oversight powers at once to ensure that our national security is not undermined,” sabi ni Senator Hontiveros.
Kilala ko ang kalibre ni Senator Lacson na malalim ang karanasan sa larangan ng paniniktik – lalo na noong siya pa ang PNP chief -- kaya naniniwala ako na may mararating ang imbestigasyon na ito ng pinamumunuan niyang senate committee.
Ang pagkadalubhasa ni dating CPNP Ping sa larangang ito ang dahilan, kaya naging matagumpay ang mga operasyon ng PNP laban sa mga malalaking sindikado noong huling mga taon ng dekada 90.
Nagamit din ito ng grupong Task Force Alpha (TFA) – noong panahon na medyo namimiligro na ang administrasyon ni President Joseph “Erap” Estrada – sa pagmo-monitor sa mga kalaban, kritiko at doble-kara na mga kaalyado.
Yun lang, aksidenteng nabuko ito ni Col. Eduardo “Mate” Matillano nang pasukin nito ang opisina ng TFA sa Camp Crame upang magreklamo. Ang bumulaga sa kanya – mga gamit sa “analog wiretapping activities” at mga cassette tapes, na nang pakinggan niya, ay mga recorded na pribadong usapan sa mga opisina sa loob ng kampo.
Para naman sa mga nakakuwentuhan kong mga schoolmate na dating cadet officer namin noon sa ROTC (Reserve Officers Training Corps) ay halos iisa ang kanilang naging reaksyon – na dahil sa kasunduang ito, ay para na ring nagpapasakop na tayo sa China, sa gitna pa man din nang agresibong pag-angkin ng mga ito sa mga isla natin sa West Philippine Sea, pananakot sa ating mga mangingisda, tahasang pagsira sa ating mga likas na yamang dagat, at ang pagtataboy sa ating mga operatiba na nagpapatrulya sa laot ng WPS.
Dagdag pa nila na mas nakatatakot pa nga ang pagiging pribadong korporasyon ng DITO, dahil nakapaloob sa Chinese National Intelligence Law na sapilitan para sa mga negosyanteng Tsino na tumulong sa “intel information gathering” ng kanilang Estado.
Kaya mas malamang na magiging “eyes and ears” ang mga tower na ito ng DITO sa loob ng mga kampo ng AFP at PNP sa iba’t ibang panig ng bansa.
Napansin ko lang, bakit sa mga smalltime hackers sa social media, aligaga agad ang mga operatiba ng pulis at militar na i-operate, pero sa bigtime na operasyon na maaaring gawin ng China-controlled third telco na DITO ay ‘di man lang kayo affected – ganun ba talaga?
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.