MULING uminit ang usapan hinggil sa Manila Bay nang bumulaga sa madla ang gabundok na “white sand” na itinatabon sa dulong bahagi ng aplaya rito upang maging isang public beach na ang hitsura ay kopya sa world famous na Boracay beach.
Kamakailan lang kasi ay naging kontrobersiyal ang makasaysayang look na ito nang simulang linisin at hakutin ng awtoridad sa pangunguna ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang tone-toneladang basura na palutang-lutang sa buong kahabaan ng aplaya nito mula sa Cavite hanggang sa Navotas.
Ito raw kasi ay isa lamang sa mga preparasyon sa lumutang na balitang magkakaroon ng magkakasunod na reclamation sa mga nasasakupang aplaya sa siyudad ng Maynila, Pasay, Las Pinas, Paranaque at Cavite – na karamihan ay gagawin umanong mga higanteng mall at casino na popondohan ng mga negosyanteng Tsino na malapit sa kasalukuyang adminstrasyon.
Sa lingguhang virtual news forum na Balitaan sa Maynila kung saan naging panauhin si DENR Usec Benny Antiporda – isang dating kasamahan ko na mamamahayag – ay isa-isa nitong sinagot ang mga “mainit” na kritisismo sa sinasabing wala sa timing na proyekto ng opisina nito.
Pahayag ni Usec Benny: “Walang magaganap sa Manila Bay na kahit isang reclamation sa ilalim ng administrasyong ito, batay na rin sa naging pahayag ni Pangulong Duterte, at ang ginagawa namin ay ang utos niya na linisin namin ang Manila Bay!”
Sa mga pagpuna naman nang pagiging insensitibo ng DENR dahil sa wala sa timing na proyektong ito na milyones ang halaga sa gitna ng pananalasa ng COVID-19 na ipinaghihirap ng marami nating kababayan ganito ang kanyang naging pagtugon.
Paliwanag ni Usec Benny ay nagkataon lamang na sinimulan ang pagtatabon ng “white sand” sa Manila Bay sa gitna ng pandemiya, pero mahigit ng isang taon na naumpisahan ang kabuuan nang paglilinis na ito sa malaking bahagi ng look, at ang pondo para rito ay noon pa aprobado ng gobyerno kaya kailangan na itong tapusin sa lalong madaling panahon.
Ang madamdaming sagot pa ni Usec Benny: “Hindi nila ito nabigyang pansin noon kaya kami ang naglilinis ngayon, tapos kami pa masama. Nasaan kayo noong naglulutangan ang mga dumi at basura sa Manila Bay?”
At para naman daw doon sa mga nagsasabing sobrang “over-priced” ang proyekto – magbalik-aral ang mga ito sa subject na “mathematics” at magkuwentang muli. Sigurado raw na makukuha nila ang tamang computation, na lalabas na mas mababa pa nga sa kalakalan ang gastos ng DENR sa pagpapaganda na ginagawa nila sa naturang lugar. Ibinigay pa ni Usec Benny ang tamang formula sa pagkuwenta: length (meters) x width (meters) x height (meters) = cubic meters (m³)
Ang resultang total cubic meter (m³) ay i-devide lang sa total cost ng proyekto na P397 million – presto lalabas ang mas mababang gastos ng gobiyerno para sa proyektong ito, na ngayon pa lamang daw ay kinasasabikan nang makita ng ating mga kababayan dito sa Metro Manila.
Pahabol pa ni Usec Benny: “’Pag natapos na ang proyektong ito libre ito para ma-enjoy ng ating mga kababayan”
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.